Marami na ang lumalabas na kakaibang konsepto ng mga tindahan ngayon. Bagamat importante ang kalidad ng mga produkto at serbisyo, kinakailangan pa rin ito upang dumami ang mga customers at balik-balikan din ito ng mga suki ng isang negosyo. Isang halimbawa na nga rito ay ang mga honesty stores.
Gaya ng ibang pangkaraniwang tindahan, kumpleto sa produkto at mga kagamitan ang isang honesty store ngunit kakaiba ito dahil sa halip na magkaroon ng tinderang magbabantay dito ay pinipili ng mga may-ari na umasa sa katapatan ng mga customers.
Talagang kakaiba ang ganitong klaseng tindahan dahil kadalasan at hangga’t maaari ay kumukuha ang mga negosyante ng sapat na tinderang magbabantay sa kanilang tindahan. Kung minsan naman ay naglalagay rin sila ng guwardiya o kaya naman ay CCTV cameras sa iba’t ibang bahagi ng tindahan dahil sa kasamaang palad ay laganap na rin ang pagnanakaw sa panahon ngayon.
Isang security guard naman na nagngangalang Rodney Pampag ang kahanga-hangang nagtayo ng isang honesty fruit store.
Photo credits: GMA News
Kung iisipin ay ang honesty store ang isa sa mga pinakahuling negosyo na papasukin ni Rodney dahil sa iba’t ibang isyu at problema na maaari niyang makaharap dito ngunit ayon sa kaniya ay talagang naniniwala pa rin siya sa katapatan at kagandahan ng loob ng bawat isa. Naniniwala rin siyang alam ng bawat tao kung ano ang tama at mali.
Kakaiba rin ang pananaw ni Rodney dahil balewala sa kaniya kung mayroon mang pagkakataon kung saan kulang ang ibabayad o kaya naman ay talagang walang ibabayad ang kaniyang customers.
Photo credits: GMA News
Ayon sa kaniya, ang kaniyang mga paninda ay maituturing na mga perishable goods kaya naman ang mga customers ang bahalang magbayad para sa kaniyang mga produkto ayon sa kalidad nito. Naiintindihan din naman niya kung mayroong mga customers na lubos na nangangailangan at hindi na magawang makapagbayad para sa mga produkto.
Photo credits: GMA News
Bukod sa napakagandang paniniwala na ito ni Rodney ay perpekto rin ang ganitong negosyo para sa kaniya na full-time ang trabaho bilang security guard sa St. Martin Hospital.
Photo credits: GMA News
Dahil sa honesty store na ito, sabay na nakakapagtrabaho si Rodney at namamalakad ng kaniyang negosyo. Kwento niya, araw-araw lamang siya na naglalagay dito ng mga prutas at hinahayaan na lamang niya ang kaniyang mga customers na bumili rito. Bukod dito ay tamang-tama rin ito para kay Rodney dahil talagang makakatipid siya sa gastusin lalo na sa pagpapasweldo ng mga tauhan.
Photo credits: GMA News
Sa ngayon ay umaabot sa PhP750 ang kaniyang kinikita araw-araw. Kuntento at masayang-masaya naman siya rito lalo na at nakatutulong ito upang matustusan niya ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.