Mag-asawa Nakapagpundar Ng Kanilang Dream Two-Bedroom Modern Bahay Kubo, Kung Saan Gumastos Lang Sila Dito ng Mahigit Kumulang PhP150k

Talagang nauuso ngayon ang pagpapatayo ng mga modern bahay kubo lalo na para sa mga mag-asawa o magnobyo na nagsisimula pa lamang na bumuo ng pamilya. Bukod nga sa pagiging budget-friendly ng mga ganitong klaseng bahay ay talagang simple rin ang mga ito kaya naman wala ring masyadong komplikasyon pagdating sa pagpaplano at pagdidisenyo nito.

Sa kabila nito, hindi pa rin maipagkakaila na kailangang pagtuunan ng pansin ang kalidad ng mga materyales gayundin ang seguridad ng mga homeowners at ng kanilang buong pamilya.

Dahil dito, ang mga modern bahay kubo ngayon ay gumagamit na ng kombinasyon ng iba’t ibang materyales. Para sa bahay na ito nina Diane Simbulan, gumamit sila ng yero para sa bubong na walang dudang mas matibay kumpara sa mga tradisyunal na materyales para sa bahay kubo.

Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page

Ang itaas na bahagi naman ng dingding ay gawa sa sawali at upang mas maging matibay ang istruktura ng bahay ay gumamit sila ng semento para sa ibabang bahagi ng dingding.

Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page

Pagpasok naman sa bahay ay makikitang gawa sa kawayan ang kanilang mga bintana. Mayroon ding open layout ang bahay na ito kaya naman talagang malawak ang loob ng bahay.

Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page
Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page

Sa isang bahagi ng kubo ay makikita ang living room na kumpleto sa sala set na gawa sa kahoy. Mula naman dito ay ang dining area na tamang-tama para kina Diane at sa ilang bisita.

Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page

Ang ibang espasyo naman ay inilaan nila para sa kusina. Makikita rito ang single counter na mayroong storage space sa ilalim. Perpekto rin ang sukat nito para sa kanilang working space at ilang mahahalagang kitchen appliances.

Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page
Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page

Sa kabilang bahagi naman ng bahay ay makikita ang comfort room gayundin ang dalawang bedrooms. Ang isa sa mga ito ay magagamit bilang master bedroom at ang isa naman ay maaaring maging guest room. Bagamat isa nga itong bahay kubo ay mayroong sapat na lawak ang bawat kwarto dahil maaaring magkasya rito ang isang kama at ilang kabinet. Dahil dito, maaari itong magamit ng ilang tao.

Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page
Photo credits: Awesome Philippines Houses | Facebook Page

Ayon kay Diane, may sukat na 16 x 18 ang bahay na ito at ang kabuuang halaga na kanilang nagastos ay umabot sa PhP150,000. Masasabi nga na hindi lamang maganda ngunit budget-friendly pa ang bahay na ito. Dahil rin sa matagumpay na pagpapatayo ng bahay na ito ni Diane sa kabila ng apat na taong paghihintay ay naniniwala siya na hindi lamang sapat ang mangarap. Importante rin na paghirapang makuha ito.

Syempre, kinakailangan din na manalig sa Diyos na para kay Diane ay talagang mahalaga dahil kung hindi dahil sa kanilang pagtitiwala sa Diyos ay hindi nila mapagtatagumpayan ang mga pinansyal na pagsubok ng proyektong ito.