Wais Na Misis na si Neri Miranda, Ibinahagi ang Sekreto sa Matagumpay na Negosyo, Nakapagpundar ng Farm sa Cavite at Php13M Resthouse sa Baguio

Kilala ang dating aktres na si Neri Miranda bilang isang “Wais na Misis”. Ito ay dahil sa kaniyang napakaraming matagumpay na negosyo at wais na paghawak at paggamit ng kanilang kita. Bagamat hindi na aktibo ang dating aktres sa showbiz, bumubuhos pa rin ang endorsements niya at ng kaniyang buong pamilya dahil sa dami ng mga taong humahanga at naniniwala sa kaniya. Bukod dito, ipinagmamalaki rin niyang ibinabahagi ang iba’t ibang negosyo na kaniyang pinasok at pinagpaplanuhang pasukin.

Isa na rito ang kaniyang tuyo business na mas kilala sa tawag na Neri’s Gourmet Tuyo. Naging patok nga ito sa publiko kaya naman talagang lumago rin ito. Dahil sa simpleng negosyo na ito, nakapagbenta rin siya ng iba pang produkto gaya ng accessories at beddings. Nakapagbukas na rin si Neri ng iba pang mga negosyo gaya ng restaurant, events place, bed and breakfast, at beauty salon.

Isa rin sa kinahihiligan ni Neri ay ang pag-iinvest sa iba’t ibang properties. Dahil dito, nakabili na siya ng malalawak na lupain at nakapagpatayo ng mga bahay. Kwento ni Neri, bata pa lamang siya ay pangarap na niyang magkaroon ng isang farm. Ngayon ay natupad na niya ang pangarap na ito dahil nagkaroon na siya ng malawak na backyard farm sa kanilang tahanan sa Alfonso, Cavite.

Ngunit hindi lamang sa mga personal na properties nakakapag-invest si Neri. Bilang isang “Wais na Misis”, hindi rin niya pinapalagpas ang pagkakataon na makapagpundar ng properties na maaaring gawing negosyo. Isang halimbawa na nga rito ay ang kanilang resthouse sa Baguio gayundin ang ilang condominium units na pagmamay-ari ng kanilang pamilya.

Dahil sa tagumpay ng mga negosyo ni Neri, siguradong marami ang may nais na malaman kung anu-ano ang kaniyang mga tips. Ang paggawa ng dream board ang isa sa ginagawa ni Neri. Dito niya inilalagay ang lahat ng nais niyang makamit kaya naman nagsisilbi rin itong inspirasyon upang lalo pa niyang pagbutihin ang pagtatrabaho. Pinagtutuunan din ni Neri ng pansin ang pag-aaral lalo na kung may nais siyang pasuking negosyo.

Sa katunayan, siniguro ni Neri na makukuha niya ang kaniyang inaasam na college diploma. Dagdag pa niya, importante rin na mayroong sapat na kapital para sa mga negosyo. Lahat nga ng tips na ito ay nagamit din ni Neri sa pagbili ng kanilang Baguio Hillside Resthouse.

Bukod sa mga mahahalagang tips na ito, binanggit din ng negosyante na totoong hindi madali ang pagnenegosyo ngunit hindi rin naman imposible na maging matagumpay ito lalo na kung pagtatrabahuan ito nang mabuti. Higit sa lahat, importante na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili gayundin ang paghingi ng tulong mula sa Diyos.