Isang Pamilya Masayang Ipinasilip ang Kanilang Naipatayong Php250k Half-Concrete, Half-Amakan House na Katas ng Kanilang mga Online Jobs

Totoong malayo ang nararating ng pagsisikap at pagtitiis. Ito nga ang pinatunayang muli ng netizen na si Quinne Catamco. Kwento ni Quinne, maaga siyang nakabuo ng pamilya kasama ang kaniyang nobyo noong taong 2020.

Habang ipinagbubuntis niya ang kanilang panganay na anak ay sumubok silang mangupahan ngunit dahil sa kanilang kagustuhan na bumukod at magkaroon ng sariling bahay ay naghanap sila ng iba’t ibang paraan upang maipatayo ito.

Dahil dito, nagtrabaho sila sa ilang online jobs. Kasabay nito ay inaalagaan din nila ang kanilang sanggol na anak. Talagang kahanga-hanga nga ang pagtitiyaga at pagsisikap ng mag-asawa sa kanilang mga trabaho at nagbunga naman ang lahat ng ito noong Enero 2022 nang makabili na sila ng kanilang sariling lupa na may sukat na 200 sqm.

Hindi rin nagtagal noong sumunod na taon ay nakapagpatayo na sila ng kanilang sariling bahay.

Makikita nga na ang kalahating bahagi ng bahay ay gawa sa konkretong materyales samantalang ang natitirang bahagi naman ay gawa sa amakan. Bagamat hango sa tradisyunal na arkitektura ang bahay ay kakikitaan pa rin ito ng modernong elemento at disenyo.

Isang halimbawa na rito ang naglalakihang bintana ng bahay. Bukod sa nakapagbibigay ito ng bentilasyon buong araw ay nakatutulong din ito upang maging maliwanag at maaliwalas ang bawat sulok ng bahay.

Pagpasok naman sa bahay ay mapapansin na gaya ito ng mga modernong tiny house ngayon. Mayroong sofa bed sa living room na maaaring magamit ng pamilya o kaya naman ay ng kanilang mga bisita. Sa kabilang bahagi naman ng bahay ay ang dining area at kusina.

Dahil sa limitadong espasyo ng bahay na ito, simple lamang ang dining area ng bahay at mayroon lamang itong four-seater na dining table. Ang kusina naman ay mayroong counter space na komportable para sa sinumang maghahanda ng pagkain dito. Hindi rin nila nakalimutang maglaan ng espasyo at storage space para sa kanilang mga supplies at iba pang kagamitan. Bukod dito, ipinasilip din ni Quinne ang simpleng comfort room ng bahay.

Hindi rin naman mawawala ang kwarto ng mag-anak. Talagang kasyang-kasya rito ang buong pamilya. Naglagay rin sila ng isang kabinet para sa kanilang personal na mga kagamitan. At dahil buong araw na nagtatrabaho ang mag-asawa sa kanilang tahanan, naglaan sila ng kaunting espasyo sa kwartong ito para sa kanilang mini office.

Mayroon itong desktop computer, mesa, at komportable upuan. Talagang maayos na makakapagtrabaho si Quinne at ang kaniyang asawa habang inaalagaan ang kanilang anak.

Dagdag pa ni Quinne, PhP250,000 ang kanilang nagastos para sa labor at mga materyales na ginamit para dito.

Sinadya rin nilang maliit lamang ang ipatayong bahay upang magkaroon pa sila ng espasyo para sa isang garden at maliit na palaisdaan sa bakuran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *