Gladys Reyes, Nagbahagi ng Tips kung Paano Magkaroon ng Matagumpay na Negosyo

Hinahangaan noon si Gladys Reyes bilang isa sa mga pinakamagaling na aktres ng kaniyang henerasyon. Isa nga sa mga hindi malilimutang pelikula ni Gladys ay ang Mara Clara.

Talagang naging matagumpay ang karera ni Gladys sa industriya ng showbiz ngunit noong magpakasal siya sa kaniyang on-screen love team partner na si Christopher Roxas at nang kalaunang magsimula na sila ng kanilang sariling pamilya ay unti-unti na ring nagpahinga si Gladys sa pag-arte. Sa kabila nito ay talagang hinahangaan at kinikilala pa rin siya ng marami.

Isa na nga sa mga rason dito ay hindi lamang ang kaniyang pagiging mabuting asawa at nanay kundi pati na rin sa kaniyang galing sa paghawak ng kanilang mga negosyo. Matatandaan nga na mayroong isang restaurant ang mag-asawa na kilala sa tawag na Antero’s.

Mayroon din silang catering business na Sommereux Catering gayundin ang acting workshop ni Gladys. Dahil sa dami ng matagumpay na negosyo ng dating aktres ay talagang masasabi na maraming mga payo ang maaari na niyang maibahagi sa kaniyang mga kapwa negosyante o kaya naman ay sa mga nagnanais pa lang na magsimula ng isang maliit na negosyo.

Isa nga sa mga payong ibinahagi ni Gladys ay ang matalinong pagpili ng papasuking negosyo. Para sa kaniya, kung maaari, ang negosyong ito ay angkop sa passion ng negosyante at hindi lamang dahil sa kung ano ang nauusong negosyo ngayon. Kalakip din ng passion na ito ang pagiging masigasig lalo na sa tuloy-tuloy na pag-aaral ng iba’t ibang bagay tungkol sa negosyong ito.

Ayon din kay Gladys, importante rin na magkaroon ng mga taong malalapit sa iyo na handang sumuporta sa negosyong papasukin mo. Hindi rin maipagkakaila ang dami ng mga pagsubok na maaaring makaharap ng mga negosyante kaya naman dagdag pa niya, talagang mahalaga na magkaroon ng masasandalan, mapagkukunan ng lakas ng loob, at mahihingan ng tulong lalo na kung nais ng mga negosyante na mapalago pa nang husto ang kanilang negosyo.

Isa rin sa pinaka-importanteng ibinahagi ni Gladys ay ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili at ang pagiging madiskarte. Kwento niya, talagang natutunan niya ito simula noong siya ay naging isang nanay ngunit nalaman niyang importante rin ito sa negosyo dahil hindi maaaring sumuko na lamang agad dahil sa simple at kakaunting mga kabiguan at problema.

Talagang kahanga-hanga ang pagiging negosyante, nanay, at asawa ni Gladys. Masasabing talagang ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya sa anumang gawain o proyekto kaya naman importante at siguradong makatutulong din ang mga payong ibinahagi niya sa mga negosyante ngayon at maging sa mga nagnanais pa lamang na magtayo ng kanilang sariling negosyo.