Mamangha sa Two-Bedroom House na Ito na Nagkakahalaga ng PhP1.2 Million

Mapapansin sa mga tahanan ngayon na bagamat simple lamang at may kaliitan ang sukat ng mga ito ay nakapaglalagay pa rin ang mga may-ari ng mga detalye at elemento na nagpapaganda sa kanilang tahanan. Gaya nga ng bahay na ito na sa unang tingin pa lamang ay mapapansin na ang kakaibang disenyo nito, lalo na ang asymmetrical na itsura ng bahay dahil sa kakaibang disenyo ng mga bintana nito.

Kung ang ibang tahanan ay mayroong simpleng floor to ceiling na glass windows, siniguro naman ng mga nagdisenyo ng bahay na ito na mapapansin ang iba’t ibang itsura ng kanilang mga bintana.

Sa isang parte ng bahay ay makikita ang isang bay window samantalang sa kabila naman ay makikita ang isang napakalawak na bintana na talagang makatutulong upang makita ng mga homeowners ang view mula sa kanilang bahay.

Bukod dito ay mayroon ding malawak na porch ang tahanan kung saan makikita ang iba’t ibang halaman. Dahil mukhang magiging komportable rito ang mga homeowners, maaari silang maglagay ng ilang upuan, benches, o hammock na maaaring magamit sa kanilang pagpapahinga.

Pagdating naman sa loob ng mismong bahay ay sasalubong ang isang napakalawak na espasyo na maaaring gawing receiving area para sa mga bisita o entertainment room para sa buong pamilya.

Dahil sa iba’t ibang bintana na ginamit para sa silid na ito, talagang maliwanag at maaliwalas dito. Tamang-tama ito kung nais ng pamilya na makatipid sa kuryente tuwing umaga. Mula naman dito ay mapupuntahan ang kusina.

Bagamat mayroong sapat na storage space ang kusina dahil sa L-shaped na counters nito, maaaring maglagay ng isang island counter ang mga may-ari sa isang bahagi ng silid upang magkaroon pa sila ng karagdagang espasyo sa paghahanda ng pagkain. Dagdag pa rito ay maaari din naman itong magamit bilang dining space ng pamilya.

Mapapansin na mayroong modernong disenyo ang bawat parte ng bahay at maging sa dalawang comfort room ay makikita nga ang parehong tema at posible na maging ang mga kwarto ay mayroon ding magagandang disenyo.

Isa rin sa talagang kahanga-hanga sa bahay na ito ay ang sukat at dami ng mga silid sa loob. Kung titingnan mula sa labas ay mukhang maliit lamang ang bahay na ito ngunit nagkaroon pa rin ang mga may-ari ng dalawang kwarto at dalawang comfort room sa loob.

Totoong napakaganda ng bahay at talagang pinag-planuhan nang mabuti ang disenyo ng bawat parte nito. Dahil dito, masasabi na sulit na sulit ang PhP1.2 million na nailabas ng mga may-ari upang maipatayo ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *