Bumilib sa Ganda at Aliwalas ng Two-Bedroom House na Ito na Naitayo sa Halagang Php800k Lamang

Karamihan sa mga homeowners ngayon ay nagpapatayo ng mga bahay kahit na mayroon lamang silang limitadong budget. Sa kabila nito, nakapagpapatayo pa rin sila ng magagandang tahanan gaya na lamang nito.

Kaiba sa karamihang tahanan na mayroong matitingkad na kulay, kulay gray ang napiling pintura para sa bahay na ito. Makikita rin ang kulay orange sa ilang parte ng bahay.

Isa rin sa kapansin-pansin sa bahay na ito ay ang ginamit na flat roof na talaga namang makikita sa napakaraming modernong tahanan ngayon dahil bukod sa makatitipid ito sa mga materyales ay walang duda na talagang maganda at kakaiba ito.

Simple at elevated naman ang porch ng bahay ngunit dahil wala itong mga railings gaya ng ibang bahay, hindi mainam ang paglalagay rito ng mga mwebles gaya ng upuan o sala set. Sa halip, maaari pang mapaganda ang lugar na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng iba’t ibang mga dekorasyon o halaman.

Mula naman sa porch ay maaari nang makapasok sa bahay gamit ang sliding glass door. Kumpara naman sa kulay sa labas ng bahay, matingkad at maaliwalas ang mga kulay na ginamit sa loob gaya na lamang ng puting pintura na ginamit para sa mga dingding gayundin sa tiles ng bahay.

Talagang matalino rin ang pagpili ng kulay na ito dahil nagmukhang malawak ang espasyo ng common areas. Bukod dito, malalaking glass windows rin ang ginamit sa bahay na ito kaya naman nagmukhang mas malawak ang limitadong espasyo ng bahay.

Nakakadagdag rin ang mga glass windows na ito sa pagiging maaliwalas at maliwanag ng buong bahay dahil nakakapasok ang natural na liwanag tuwing umaga.

Ganito rin ang tema na makikita sa kusina ng bahay ngunit bagamat maaliwalas sa espasyong ito ay mapapansin na talagang may kaliitan ito. Makikita lamang ang isang sink at limitadong counter space.

Dahil dito, kailangang maglagay ang mga may-ari ng mga appliances at kagamitan na makatitipid sa espasyo. Maaari din silang maglagay ng shelves sa mga dingding o kaya naman ay kabinet sa ilalim na bahagi ng sink.

Dagdag pa sa mga nabanggit na silid ay mayroon ding magandang comfort room at dalawang kwarto ang bahay kaya naman sa kabuuan ay gumastos ang mga may-ari ng PhP800,000 para dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *