Silipin ang Mediterranean-Themed na Mansyong Naipundar ng Aktor na si Daniel Padilla

Alam ng karamihan ang buhay na pinagdaanan noon ng aktor na si Daniel Padilla bago pa man siya sumikat at naging matagumpay na aktor. Ibinahagi nga nila na noong una ay palipat-lipat lamang sila ng inuupahang bahay. Dahil dito, hindi na nakapagtataka na isa sa mga unang naipundar ni Daniel ay ang 1,000 sqm. na bahay na ito. Bukod sa napakalawak na bahay, talagang nakakabilib din ang halaga nito dahil makikita ito sa isang high-end subdivision sa Fairview, Quezon City.

Sa labas pa lamang ay talagang napaka-elegante na ng mansyong ito — mula sa landscape, gate, at ang panlabas na disenyo ng bahay. Ang una namang sasalubong kay Daniel sa tuwing siya ay umuuwi ay ang kaniyang mga magagarang sasakyan.

Sa isang parte naman ng bahay ay ang lanai kung saan makikita ang isang sala set na gawa sa kahoy. Mayroon ding isang swinging bench dito kaya naman masasabing perpekto ito bilang receiving area para sa kanilang mga bisita o bilang isang simpleng pahingahan ng buong pamilya ni Daniel.

Mula naman dito ay kapansin-pansin ang makukulay na glass panels na nakapalibot sa kanilang main door. Ideya raw ito ni Karla kaya naman masasabi na talagang tulong-tulong ang kanilang pamilya sa pagpapaganda ng kanilang sariling tahanan.

Makikita naman ang napakalawak na interior ng bahay dahil sa open layout nito.

Sa gawing kaliwa ay ang living area ng bahay samantalang sa gawing kanan naman ay ang isang elevated na espasyo na nagiging isang meeting area nina Daniel kasama ang kanilang mga business partners o kliyente. Talagang nagiging mas malawak ang espasyong ito dahil sa naglalakihang mga bintana.

Bukod dito, makikita rin sa unang palapag ng kanilang bahay ang 10-seater na dining table. Kalapit naman nito ay ang kanilang kusina na mayroong kakaibang archway na gawa sa bricks.

Ayon nga sa architect ng mansyong ito, isa rin ito sa mga kagustuhan ni Daniel at ni Karla gayundin ang mga kabinet na gawa sa mahogany. Mayroon din silang inilaan na espasyo sa palapag na ito para sa powder room na mayroong napakagandang chandelier.

Sa ikalawang palapag naman ay makikita ang pangalawang living at dining area ng pamilya.

Makikita rin dito ang master’s bedroom kung saan namamalagi si Karla. Sa kwarto rin na ito makikita ang isang walk-in closet at ang master’s bathroom.

Mistulang isang display rack naman ang pinto patungo sa kwarto ni Daniel at ng kaniyang kapatid. Mayroon ding walk-in closet ang kwartong ito ngunit minabuti nila na gawin na lamang itong isang entertainment room.

Hindi maipagkakaila na talagang maganda at pinag-isipang mabuti ang disenyo ng bahay na ito. Totoong espesyal nga ito at talagang perpekto para kay Daniel at sa kaniyang pamilya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *