Silipin ang Napakagandang Bahay Kubo-Inspired Tiny House na Ito na Swak na Swak sa Nagsisimulang Pamilya

Totoong hindi hadlang ang maliit na espasyo upang makapagpatayo ng kaaya-ayang tahanan dahil napakaraming mga tiny house ideas ang makikita ngayon sa internet gaya na lamang ng bahay na ito.

Maliit lamang ang sukat ng lupang kinatatayuan ng bahay na ito kaya naman talagang bagay na bagay rito ang isang tiny house. Dahil makikita rin ang lupang ito sa isang rural na lugar, perpekto din dito na magkaroon ng isang bahay kubo. Dahil dito, nagdesisyon ang homeowner na magkaroon ng bahay kubo-inspired na tiny house.

Sa labas ng bahay ay mapapansin na nakaangat ang bahay na ito gaya ng mga tradisyunal na bahay kubo. Talaga namang makatutulong ito upang maging ligtas ang homeowner mula sa baha. Pagdating naman sa dingding ng bahay, gumamit sila ng mga materyales na gawa sa kawayan.

Gaya rin ng mga bahay kubo, noong una ay mayroong terrace ang tiny house na ito ngunit minabuti ng homeowner na palibutan na lamang ito ng sliding glass door at windows. Dahil dito, nagkaroon ng modernong itsura ang bahay na ito.

Sa loob ng kubo, makikita na talagang siniguro ng may-ari ng bahay na nakakatipid sa espasyo ang mga mwebles at kagamitan na kanilang gagamitin. Isang halimbawa rito ay ang modernong double deck na kanilang ginamit para sa bedroom. Sa ibabang bahagi ng double deck ay ang storage space ng homeowner.

Maaari itong lagyan ng mga damit at ng iba pang kagamitan. Mayroon namang hagdan patungo sa itaas na bahagi ng double deck. Dito makikita ang mismong kama para sa homeowner. Sa paanan ng double deck ay makikita ang isa pang kabinet bilang karagdagang storage space. Sa kabilang banda ay ang telebisyon na ma-eenjoy ng may-ari mula sa kaniyang double deck.

Mayroon ding floating shelves sa bahaging ito kung saan maaaring mailagay ang iba’t ibang dekorasyon o memorabilia.

Bagamat limitado ang espasyo ng tiny house na ito, mayroon pa ring sapat na espasyo na nailaan para sa kusina at dining area. Sa isang bahagi ng lugar ay ang counter at sink kung saan maaaring maghanda ng pagkain. Gumamit din sila ng iba’t ibang shelves upang maging organisado ang pagkakaayos ng mga kagamitan at appliances.

Sa kabilang banda naman ay makikita ang isang built-in na mesa at ilang upuan na nagsisilbing dining space. Maaari din itong magamit sa paghahanda ng pagkain. Bukod sa sapat na espasyo, siniguro din ng may-ari na maaliwalas at komportable siya rito.

Talaga namang napakaganda ng bahay kubo-inspired na tiny house na ito at talagang naging matalino ang kaniyang paggamit ng bawat espasyo ng lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *