Isang Pamilya na Ilang beses Napalayas sa Kanilang Tinitirhan, Masayang-masaya na Ibinahagi ang Pagkakaroon na Nila Ngayon ng Sarili Nilang Tahanan

Kung ang iba ay naninirahan sa sarili nilang tahanan, mayroon namang iba sa atin na nagtitiis na mangupahan dahil na rin sa hindi pa afford ang magkaroon ng sariling tahanan. Tunay namang hindi biro ang mangupahan, dahil may pagkakataon na kapag nagigipit at hindi nakapagbayad ng upa, ay maaring palayasin ka sa anumang oras naisin ng mismong may-ari ng iyong inuupahan.

Samantala, isang kababayan natin ang nagbahagi ng karanasan nilang pamilya sa pangungupahan ng tahanan, at kung paano nila nalagpasan lahat ng pagsubok na kanilang hinarap hanggang sa kanilang matupad ang pangarap nilang magkaroon ng sarili nilang tahanan.

Sa Facebook page na Home Buddies ay ibinahagi ng netizens na si Naila Mondala ang mga pagsubok na kinaharap nila ng kanyang pamilya noong mga panahon na sila’y nangungupahan at kasabay nito ay ang naging proud niyang pagbabahagi ng katuparan ng pangarap nilang tahanan na matatawag nilang sarili na nila.

“Hindi na po mabibilang sa mga daliri ng dalawa kong mga kamay kung ilang beses na kaming napalayas. Madalas para po kaming mga ninja na lumilipat ng bahay sa madaling araw dahil napalayas na naman”, ang naging unang pagbabahagi ni Naila sa kanyang naging Facebook post.

Photo credits: Naila Mondala | Home Buddies Facebook Group

Ayon nga kay Naila, wala silang sariling tahanan ng kanyang pamilya at nangungupahan lamang sila. Saad pa niya madalas silang napapalayas noon sa mga inuupahan nila dahil sa hindi sila makapag bayad ng renta gawa ng kakapusan.

Photo credits: Naila Mondala | Home Buddies Facebook Group

Ikinuwento din niya na ilang bahay na rin ang kanilang natirhan, may tinirhan sila na tila isang bahay ng manok, mayroon naman na dahil sa sobrang baba ng bubong ay kinakailangan na lagi ka umanong nakayuko para hindi ka mauntog at kung ano-ano pa ngang klase ng bahay.

Pagbabahagi pa niya, madalas ang mga tahanan na tinitirhan nila ay gawa sa light materials, katulad na lamang ng gawa ito sa sako at tarpaulin o di kaya naman ay gawa sa mga tinagpi-tagping kahoy.

Photo credits: Naila Mondala | Home Buddies Facebook Group

Photo credits: Naila Mondala | Home Buddies Facebook Group

Kung iisipin natin ay masasabi nating hindi madali ang lahat ng pinagdaanan nina Naila at kanyang pamilya sa hindi nila pagkakaroon ng sarili nilang tahanan, kaya naman ngayon na natupad na nila ang pangarap nilang magkaroon ng sariling tahanan ay hindi maitago ang kasiyahan nila.

Ibinahagi naman ni Naila kung paano nila nagawang bigyan ng katuparan ang matagal na nilang pangarap ng kanyang pamilya. Ayon sa kanya ilan sa mga sikreto na naging daan para magkaroon sila ng sariling tahanan ay ang pagsisipag nila at pagiging kuripot.

“Ngayon po sa awa ng Diyos, sipag at matinding pagkukuripot sa sarili ay mayroon na po kaming sariling bahay. Simple man po ay hindi kami mapapalayas. Salamat sa Diyos”, saad ni Naila.

Makikita naman sa naging Facebook post na ito ni Naila ang larawan ng kanilang sariling tahanan, kung saan ay nasa mismong mga larawan ay masisilayan ang kasiyahan ng kanyang ina.

Photo credits: Naila Mondala | Home Buddies Facebook Group

May payo naman si Naila para sa lahat ng patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay at nagsusumikap na matupad ang kanilang pangarap.

“Kung meron pong makakabasa neto na napapagod na, nawawalan ng pag-asa at umiiyak habang nagtatanong kung kelan magsisimulang maging okay ang lahat , laban lang po tayo. Magiging okay po ang lahat. May mga magiging problema pa rin po pero tuloy niyo lang po ang paglaban at samahan ng dasal. Siguradong mas bubuti din ang lahat.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *