Stories
Estudyanteng Halos 10-Taon na Ruma-Raket Para Makapagtapos ng Pangarap Niyang Kurso sa Kolehiyo, Dinagsa Ngayon ng Napakaraming Job Offer

Ibinahagi ng isang babae ang hindi madali niyang buhay sa kolehiyo, kung saan sampung taon ang hinintay niya bago niya nakamit ang diplomang kanyang inaasam. Ang babaeng ito ay kinilalang si Chryzel Joy Gordula Landicho, 30-taong gulang at kilala sa palayaw niyang Yzel.
Dahil sa kakaibang kuwento ng kanyang pagkamit ng dimplomang kanyang inaasam ay nakapanayam ng PEP.ph si Yzel, at dito ay kanyang ikinuwento kung ano ang naging dahilan at naging mahaba ang paghihintay niya na makamit ang pangarap niya. Batid naman kasi natin na halos 4 hanggang 5 taon lamang ang iginugugol sa pag-aaral ng kolehiyo, mayroon pa ngang 2-taon lang pag mga vocational courses, ngunit si Yzel ay inabot nga ng 10-taon bago siya naka-graduate.
Noong ika-25 ng Agosto taong 2021 ng makapanayam ng PEP.ph si Yzel sa pamamagitan ng Facebook messenger.
Kuwento ni Yzel sa Pep.ph (Philippine Entertainment Portal) una siyang kumuha ng kursong practical nursing, na 2-year course lamang, ngunit dahil sa kanyang patigil-tigil ay inabot siya ng 4-taon para makapagtapos sa naturang kurso.
“Two-year course lang po iyon. Pero inabot ng four years kasi patigil-tigil ako.
“Year 2014 ko po natapos. Noon po ay 23 years na ako”, pagbabahagi ni Yzel sa PEP.ph.
Pagbabahagi pa niya, noong mga panahon na ‘yon ay nag-aalaga siya ng kanyang pamangkin na iniwan ng kapatid niya sa kanya noong ito ay 6-buwang gulang pa lamang. Dahil dito, ay kinakailan niya umano na mag-doble kayod para suportahan ang pamangkin niya.
Ayon sa kanya, para maitaguyod niya ang kanyang pag-aaral at ang pamangkin na inaalagan niya ay kung ano-anong trabaho ang pinasok niya, tulad na lamang ng pagka-kahera sa sabungan, factory worker at iba pang mga odd jobs. Nagtrabaho din siya bilang isang OFW (Overseas Filipino Worker) sa Doha. Qatar, kung saan halos dalawa at kalahating taon din ang itinagal niya doon.
Sa kabila naman ng pagkakaroon niya ng mabuting amo, at kahit na maayos na ang kanyang kinikita, pag-amin ni Yzel ay hindi siya ‘satisfy’ dahil sa ang talagang gusto niya sa kanyang buhay ay ang maging isang guro.
“Mababait po ang amo ko. Pero nagpaalam ako sa kanila na mag-aaral ako.”
“Hindi ako ma-satisfy na kahit kumikita ako, hindi ako mapalagay. Parang may kulang. Gusto ko po talagang maging teacher”, ani Yzel.
Dahil sa kanyang kagustuhan na bigyang katuparan ang pangarap niyang maging isang guro, nagbalik Pilipinas si Yzel at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral noong taong 2016. Siya ay nag-enroll sa Laguna State Polytechnic University-Sinilaan Campus sa kursong Bachelor of Science in Agricultural Education at nagustuhan niya ang kursong kinuha niya.
“Kasi po double degree. Kung matatapos ko, pwede akong kumuha ng Licensure Exam for teachers at Licensure Exam for agriculturist”, saad niya.
Ngunit noong nasa third year na si Yzel sa nasabing kurso, ay naubos naman ang kanyang ipon, at dito talagang nag-simula ang ‘struggle’ niya, dahil halos hindi niya alam kung saan na kukunin ang araw-araw na expenses nila ng pamangkin niya mas lalo na ang mga biglaang bayarin sa eskwela.
Nagdesisyon muli si Yzel na tumigil sa pag-aaral, kahit na masakit sa kanyang kalooban, ngunit hindi ibig sabihin nito ay sumuko na siya. Naghanap siya muli ng trabaho, at ng magkaroon na muli ng maliit na ipon ay nagbalik siya sap ag-aaral lalo na ng kanyang mabalitaan na made-desolve ang course na kinuha niya.
Sa pagbabalik eskwela ni Yzel ay nagkataon na pandemic, at home study sila, kaya naman mas nakatipid siya sa pamasahe at iba pang gastusin sa school. Dito na siya nagsimulang magbenta online, at dito na umikot ang araw-araw niya.
Makalipas naman ang sampung taon, at paputol-putol niyang pag-aaral, noon ngang ika-18 ng Agosto taong 2021 ay nakamit ni Yzel ang pangarap niyang college diploma. Masaya ding ibinahagi ni Yzel na ngayon ay maraming job offer ang inaalok sa kanya, ngunit kahit tempting ang mga ito ay pinili niya umano ang mas magpokus muna sa pagre-review.
Nag-iwan naman ng payo sa Yzel para sa mga mag-aaral na maraming pinagdaraanan sa buhay ngunit pangarap na makapagtapo ng pag-aaral sa kolehiyo.
“Sabi nga nila, kapag ayaw, maraming dahilan. Pero kapag gusto, maraming paraan.
“Yung mga struggles, ay dadaanan lang at malalampasan natin kung naka-focus tayo kung ano ang gusto nating ma-achieve sa buhay.”
