Mamangha sa Moderno at Eleganteng Bahay na Ito na Mayroong Roof Deck

Sa unang tingin pa lamang sa bahay na ito ay masasabing gaya ito ng mga pangkaraniwang tahanan na mayroong modernong disenyo ngunit kakaiba pa rin ito dahil sa napakaraming espasyo na maaaring magamit bilang entertainment space ng pamilya o kaya naman ay para sa kanilang mga munting selebrasyon.

Sa labas ng bahay, makikitang mayroong hagdan na patungo sa maliit na porch ng bahay. Sa kabilang banda naman ng property ay makikita ang carport kung saan kasyang-kasya ang isang maliit na four-wheeler na sasakyan.

Bukod dito, maaari ding magamit ang espasyong ito para sa kanilang mga bisita tuwing magkakaroon sila ng simpleng selebrasyon.

Mula rin sa carport na ito ay maaaring mapuntahan ang roof deck na pwedeng-pwede ring magamit ng kanilang mga bisita. Maaari din itong magamit bilang dining space o kaya naman ay tambayan ninuman. Mayroon din itong bubong kaya naman komportableng makakapagpahinga rito ang bawat miyembro ng pamilya o ang kanilang mga bisita.

Kasingganda naman ng mga espasyong ito ang disenyo at dekorasyon sa loob ng mismong tahanan. Talagang napaka-elegante nito dahil sa puti, itim, at gray na kulay na makikita sa bawat sulok ng bahay.

Maganda rin ang kanilang napiling disenyo ng mga ilaw at tiles. Bukod sa mga disenyo gaya nito, wais din ang pagkakaayos ng kanilang mga mwebles, appliances, at iba pang kagamitan kaya naman kahit may kaliitan ang bahay, mukha pa ring maluwag sa loob nito.

Gaya ng living room, kung titingnan ay malawak din ang kusina. Sa isang banda ay makikita ang bar samantalang sa kabilang bahagi naman ay ang espasyo para sa paghahanda ng pagkain.

Bagay na bagay sa tiles at kabuuang itsura ng bahay ang countertop ng kusina na gawa sa granite. Mayroon ding ilang kabinet sa parteng ito ng bahay kung saan maaaring ilagay ang ilang mga kagamitan.

Kumpara naman sa ibang silid ng bahay, simple lamang ang itsura ng dalawang kwarto ng bahay. Ang unang kwarto ay mayroong puting kulay samantalang ang kulay naman ng pangalawang kwarto ay light red. Tamang-tama ang simpleng disenyo ng mga ito para sa mga miyembro ng kanilang pamilya na nais na maglagay ng kanilang sariling dekorasyon o palamuti. Maliit din ang sukat ng bawat kwarto ngunit maaari pa rin silang makapaglagay ng ilang kabinet, mesa, o floating shelf na magagamit bilang storage space.

Base sa sukat at materyales nito gayundin sa mga karagdagang mwebles na bibilhin para sa mga silid, maaaring umabot sa PhP2.5 million o higit pa ang magagastos para sa bahay na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *