Connect with us

Entertainment

Kahit Buntis at Nangutang Lang ng Pang Application Fee, Working Mom Matagumpay na Nakapasa’t Naging Top 6 sa Teacher’s Board Exam

Bawat tagumpay ng isang indibidwal ay may kanya-kanyang kuwento, at marami sa mga ito ay tunay na nakabibilib at kamangha-mangha, katulad na lamang ng kuwento ng tagumpay ng working mom na si Melissa Marvic, na ngayon ay isa ng license teacher at naging top 6 pa sa nakaraang March 2022 Licensure Examination for Professional Teacher.




Si Melissa Marvic ay isa lamang sa mga tunay na pinalad na makapasa March 2022 Licensure Examination for Professional Teacher lalo pa’t siya ay kabilang sa mga naging top. Ang tagumpay na ito sa kanyang buhay ay hindi niya lubos inakala, dahil nu’ng mga panahon na kumuha siya ng nasabing eksaminasyon ay buntis siya at nagtatrabaho pa.

Noon ngang ika-29 ng Abril taon ng kasalukuyan, ay dobleng selebrasyon ang naganap sa buhay ni Melissa. Maliban kasi sa isinilang niya ng araw na ‘yon ang ikatlong anak nila ng mister niyang si Elmer ay sakto ding lumabas ang resulta ng March 2022 Licensure Examination for Professional Teacher (LET) secondary level, at natanggap niya ang balita na siya ay Top 6 at nakakuha ng 91 percent na rating.

Sa napakagandang tagumpay niyang ito ay nakapanayam si Melissa ng Palawan News noong ika-6 ng buwan ng Mayo at dito ay ibinahagi niya ang napaka-surreal niyang karanasan ng araw na ‘yon.

Kuwento ni Melissa ang naghatid sa kanya ng magandang balita ay ang kaibigan niyang nagngangalang Archie. Masaya umano nitong ibinalita sa kanya ang pagiging pasado at Top 6 niya sa result ng nasabing exam, at noong una ay talagang hindi agad nag-sink sa utak niya ang magandang balita at inakala pa umano niya nab aka nagha-hallucinate lang siya dahil sa anesthesia na itinurok sa kanya ng manganak siya via caesarian section.

“Ate, nakita mo na ba ‘yung result? Hindi ka lang pumasa, Top 6 ka! Top 6!”, saad umano sa kanya ni Archie, ayon kay Melissa.

Dagdag pa niya, “Tapos hindi pa ako umimik agad, pino-process ko pa kasi parang nagha-hallucinate pa ako dahil sa anesthesia”.

Pagbabahagi pa ni Melissa, hindi naging madali lahat ng pinagdaanan niya, dahil noong mga panahon na nagre-review siya para sa board exam ay buntis siya at maliban pa dito ay nagtatrabaho pa siya, idagdag pa ang nag-aalaga pa siya ng iba pa niyang mga anak.

“Yung mga panahon na iyon, wala akong kasambahay. Mano-mano akong nagre-review, nagtuturo sa school at nag-aalaga sa mga anak ko.”

“Before the exams, nagtuturo pa ako niyan noong Biyernes. ‘Tapos noong Sabado, nagdi-disseminate pa ako ng grading sheet.”

Isa pa sa mga naging struggle ni Melissa noong kumuha naman siya ng eksam ay ang pagiging left handed niya, ito ay dahil lahat ng upuan na nasa exam room ay right-handed chairs kaya naman hirap siyang magsulat lalo’t nakaharang din nun ang maumbok na niyang tiyan.

Buti na lamang nga at tinulungan siya ng isa sa mga representative ng PRC (Professional Regulation Commission), kung saan ibinigay nito sa kanya ang mesa at monoblock na naka-reserve sa dito at doon ay naging kumportable na siyang sumagot ng exam.

“Pag-in ko, naka-arm chair iyan. Kabuwanan ko, ang laki-laki ng tiyan ko ‘tapos nakaupo ka sa arm chair at kaliwete ka pa. Paano ko iaabot ang kamay ko sa arm chair na sasagutan ko?

Ngayon, nakita ako ng representative ng Professional Regulation Commission [PRC] na nag-iikot. Yung mesa na naka-reserve for her, ibinigay niya sa akin, pati monobloc niya. Kaya ayun, kumportable na ako nang mag-exam.”




Ikinuwento din ni Melissa na ang unang kurso na kanyang natapos ay hindi teaching course kundi midwifery sa Palawan State University, ngunit dahil sa ang pangarap niya talaga ay ang maging isang guro ay nagdesisyon siyang mag-enroll sa Fullbright College at doon ay kumuha ng kursong pangarap niya.

“Kinuha ko itong course na ito [BS Secondary Education] kasi gustung-gusto ko ito. Kapag gusto mo kasi ang isang bagay, hindi ka kailangang pilitin ng ibang tao. Talagang ganado kang gawin.”

Pag-amin din ni Melissa, noong mga panahon na siya ay nagre-review na para sa board exam ay dumaan sila ng kanyang asawa sa kakapusan ng budget, sa kabila nito ay sinuportahan pa din ng kanyang mister ang pangarap niya. Kuwento pa niya, yung perang ipinangbayad niya sa application fee na Php900 ay pinangutang pa niya dahil sa pagiging kapos nila.

Sa huli ay masayang sinabi ni Melissa na nais niyang maging inspirasyon sa marami lalo na sa mga kabataan ang kanyang kuwento.

“Iyan ang gusto kong makita ng mga kabataan ngayon, kahit yung mga may asawa na.”

“Hindi pa huli ang lahat. Huwag kang bumitaw agad. Huwag kang mawalan ng pag-asa na balang araw, ibang tao ka na.”




error: Content is protected !!