Isang Retiradong Engineer, Kinonvert ang Lumang Boeing 727 na ito sa Isang Komportableng Tirahan

Pamilyar na ang ilan sa atin sa mga tahanan na gawa sa dating mga van at iba pang sasakyan. Mayroon ding ibang bahay na gawa sa container vans samantalang ang iba naman ay mula sa lumang mga silid at storage room. Pero kakaiba ang bahay na ito dahil sa halip na gumamit ng isang pangkaraniwang sasakyan ay gawa ito sa eroplanong Boeing 727.

Makikita nga ang eroplanong ito sa Portland, Oregon at pagmamay-ari ito ng dating electrical engineer na si Bruce Campbell. Talaga namang kakaiba ang tahanang ito ni Bruce at mula sa malayo ay talagang matatanaw na ang eroplanong ito sa gitna ng gubat. Bagamat itinuturing niya ito bilang isang tahanan, mukha pa ring isang eroplano ang bahay na ito.

Ngunit kung ang orihinal na mga eroplano ay mayroong daan at hagdan sa gilid, makakapasok naman si Bruce sa kaniyang tahanan gamit ang isang hagdan na makikita sa ilalim ng eroplano.

Hindi rin ito gaya ng mga pangkaraniwang customized van houses kung saan napapalitan ang mga bintana ng mismong sasakyan at nakakapaglagay ng mga kabinet. Sa eroplanong ito, gumamit lamang si Bruce ng iba’t ibang shelf bilang storage space. Mayroon din siyang napakaraming bins para sa kaniyang mga kagamitan habang ang kaniyang mesa naman ay nagagamit bilang work station at karagdagang storage space.

Ginagamit din ni Bruce ang sofa na makikita sa kaniyang living area bilang kama. Bukod dito, nakakapagrelax din si Bruce sa cockpit na ginawa niyang reading room. Perpekto rin ang silid na ito dahil talagang matatanaw rito ang napakagandang view ng kaniyang lugar.

Gaya rin naman ng ibang ordinaryong mga tahanan, nakakapagluto at nakakapaglaba rin si Bruce sa loob ng kaniyang tahanan. Pinanatili rin niya ang dating disenyo ng comfort room ng eroplano at patuloy niya itong nagagamit ngayon.

At dahil isang electrical engineer si Bruce, inayos din niya ang supply ng kuryente at tubig ng kaniyang tahanan.

Bagamat may iilan pang bagay na kailangang ayusin at pagandahin para sa bahay na ito, ngayon pa lang ay masasabi nang maganda ang bahay na ito. Mapapansin din na masaya si Bruce sa kaniyang proyekto kaya naman sa kasalukuyan ay mayroon din siyang ginagawang pangalawang airplane house sa Japan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *