Silipin ang Modernong Bahay Kubo na ito na may Napakaganda at Napakaaliwalas na Panloob na Disenyo

Karamihan sa mga native o tradisyunal na tahanan ngayon ay mayroong kombinasyon ng mga modernong disenyo at materyales. Sa ganitong paraan, mas napapaganda ang disenyo ng mga ito at kung minsan ay mas nagiging matibay rin ang mga native na tahanan. Makikita nga ang ganitong arkitektura sa bahay na ito.

Makikita na agad sa malayo pa lamang ang magkahalong native at modernong disenyo ng bahay. Mayroon itong malawak na porch na napalilibutan ng mga benches na gawa sa kahoy. Talagang perpekto ito para sa buong pamilya at sa kanilang mga bisita. Makikita rin ang iba’t ibang house plants sa porch kaya naman talagang napakapresko din dito.

Bukod dito, napalilibutan din ng glass windows at doors ang buong bahay. Dahil dito, nakakapasok ang natural na liwanag sa bahay kaya naman buong araw na maaliwalas dito.

Pagpasok naman sa bahay, mapapansin na bagamat amakan ang makikitang materyales ng mga dingding sa labas, gawa pa rin sa konkretong materyales ang dingding sa loob. Makikita rin ang iba’t ibang native na dekorasyon dito.

Isa na rito ay ang kakaibang chandelier gayundin ang mga upuan at mesa sa living area. Malawak din ang common area na ito kaya naman talagang makakapagbonding nang maayos ang buong pamilya at ang kanilang mga bisita.

Dagdag pa sa magagandang common spaces ng bahay, napaka-elegante rin ng dating ng kanilang palikuran. Kaiba sa native na tema ng porch at living area, moderno naman ang itsura ng palikuran na ito.

Puti at itim ang kulay ng buong silid samantalang ang mga tiles ay gawa sa marble kaya naman nakakadagdag din sa kagandahan nito ang kakaibang patterns ng marble. Upang mapanatili naman ang kalinisan ng palikuran na ito, mayroong salamin na naghihiwalay sa bath area.

Dahil nga sa pagiging moderno ng bahay na ito, maaaring umabot sa PhP 1 million o higit pa ang maaaring magastos para sa pagpapagawa ng bahay. Sa kabila nito, talagang nakakabilib ang kombinasyon ng native at modernong disenyo rito.

Hindi maipagkakaila na talagang bago ito sa paningin ng karamihan. Kahanga-hanga din ang pagiging malikhain ng mga Pinoy pagdating sa pag-iisip ng mga ideya upang maging “modernized” ang tradisyunal na disenyo ng atin mga tahanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *