Isang biyaya ang pagiging isang magulang, ngunit kaakibat din nito ay ang panghabang-buhay na responsibilidad. Ang isang magulang kasi ang responsable sa kanyang mga anak, pagdating sa pagmamahal, pag-aaruga at pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga ito lalo na kung ang kanilang mga anak ay wala pa sa hustong gulang at wala pang kakayahan na suportahan ang kanilang sarili.
Ang mga magulang ay tungkulin din na mabigyan ng maayos na tahanan ang kanilang mga anak, ang mapag-aral ang mga ito at maibigay ang mga pangunahin nitong pangangailangan tulad na lamang ng pagkain, damit at iba pa, kaya naman talagang maraming mga magulang ang subsob sa pagbabanat ng buto para maibigay ang suporta na kinakailangan ng kanilang mga anak.
Sa mundong ating ginagalawan ay may mga magulang na tunay na pinagpala sa buhay dahil lahat ng mga bagay at pangangaialan ng kanilang mga anak ay agad nilang naibibigay, ngunit mayroon ding mga magulang na sa kabila ng kakapusan, ay gumagawa pa rin ng paraan upang sa maliit at simpleng bagay ay mapasaya ang kanyang anak at maibigay ang simpleng kahilingan nito.
Halimbawa na lamang nito ay ang isang ama na kamakailan lamang ay umantig sa publiko, matapos kumalat sa social media ang kanyang larawan. Sa naturang larawan kasi ay makikita ang isang ama na mayroon pang mga semento sa mga paa, kaya naman masasabi na ito ay mula pa sa kanyang trabaho sa construction site.
Kahit naman madumi at pagod mula sa kanyang maghapong pagtatrabaho ay hindi ito inalintana ng naturang ama, at bago nga tuluyang umuwi sa kanilang tahanan ay naisipang dumaan sa isang tindahan ng mga laruan, kung saan dito ay bumili siya ng isang munting manyika na para sa kanyang anak.
Tila talagang hinintay ng naturang ama ang sahod niya ng araw na iyon, upang sa wakas ay kanya nang mabili ang laruan na marahil ay hiniling ng anak niya sa kanya.
Kung para sa ilan sa atin ay maliit na bagay lamang ito at hindi kasing mahal ng ibang mga laruan na nabibili sa mga malalaking tindahan o mga mall, para sa naturang ama ay malaking bagay na ito, lalo na’t batid niya na ikatutuwa ng kanyang anak ang pasalubong niya para rito.
Bilang isang magulang din ay tunay na madadama natin ang pagmamahal ng ama sa kanyang anak, dahil kahit gaano man kakapos ang buhay ay naalala niya pa rin na mabilhan ng simpleng bagay ang kanyang anak na batid niyang makapagpapangiti sa kanyang prinsesa.
Maraming mga netizens naman ang hindi napigilan na magbigay ng kanilang komento sa larawan na ito ng naturang ama. Ayon sa ilang mga netizens, tunay na mapalad ang bata dahil mayroon siyang isang mabuting ama, na iniisip ang kanyang kaligayan at ginagawa ang lahat ng sakripisyo para mabigay pangangailan niya kahit gaano man kahirap ang buhay.