Tunghayan ang Fitness Journey ng Dalagang Nilait ng Bagong Girlfriend ng Kanyang Ex-Boyfriend Dahil sa Timbang nito

Ang timbang ng isang indibidwal ang isa sa mga pisikal na aspetong talagang binubusisi ng mga tao. Sa kasamaang palad, ito rin ang nag-uugat ng pambubully lalong-lalo na sa social media. Totoong mayroon itong napakasamang epekto sa tao ngunit para sa ilan, ito ang nag-uudyok sa kanila upang mabago at mapabuti ang kanilang sarili.

Ganito ang naranasan ni Majel Santiago. Nagsimula ang fitness journey ni Majel nang tumimbang siya ng 85 kg. Kwento niya, stress, mga bisyo, pati na rin ang kaniyang pagkain ng hindi masusustansyang pagkain ang naging dahilan ng pagtaas ng kaniyang timbang. Dahil dito, hindi naiwasan ng kaniyang pamilya na mag-alala para sa kaniyang kalusugan.

Sa kasamaang palad, naranasan na rin niya ang pangungutya ng mga tao sa social media. Bukod sa mga ito, nakatanggap din ng panlalait si Majel mula mismo sa kaniyang nobyo kaya naman nagdesisyon siyang makipaghiwalay na lamang dito.

Ngunit sa halip na matapos na roon ang kaniyang masasamang karanasan, naranasan din niya ang panlalait ng bagong nobya ng kaniyang ex-boyfriend.

Matapos ang lahat ng kaniyang masasakit na karanasan, nagdesisyon siyang kontrolin ang kaniyang timbang upang mapabuti ang kaniyang sarili.

Isa sa mga ginawa ni Majel ay ang pagbabawas ng kaniyang pagkain. Mula umano sa tatlong takal ng kanin, unti-unti itong nabawasan. Sinubukan rin niyang umiwas sa anumang klase ng bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Totoong napakahirap iwasan ang mga bagay na nakasanayan na kaya naman para kay Majel, sinabayan niya rin ang lahat ng ito ng disiplina upang makamit niya ang inaasam na maganda at malusog na pangangatawan.

Nagbunga naman ng maganda ang pagbabagong ito ni Majel dahil kitang-kita sa kaniyang mga bagong litrato ang kagandahan ng kaniyang katawan. Makikita rin ang kumpiyansa sa sarili ng dalaga sa mga litratong ito.

Higit pa rito, mas malusog din siya at malayo sa anumang uri ng sakit.

Dahil dito, nagbigay siya ng kaunting payo para sa mga taong nais rin magbawas ng timbang.

Ayon sa kaniya, bagamat iba-iba ang epektibong pamamaraan ng pagbabawas ng timbang para sa mga tao, dapat na bawasan ang carbs na ating kinakain. Dapat rin na iwasan na ang pagkain sa mga fast food restaurants.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *