Stories
Isang Proud Kasambahay, Nakapagtapos sa Kolehiyo Bilang Magna Cum Laude

Matatandaang hinangaan sa social media ang nakakaantig na kwento ng isang kasambahay na nakapagtapos bilang magna cum laude na si Jarel Barcelona Tadio. Bagamat isang malaking tagumpay ang kaniyang naabot, hindi naging madali ang kaniyang mga pinagdaanan.
Noong una pa lamang ay namulat na si Jarel sa hirap ng buhay. Kwento niya, tuwing bakasyon ay dumadayo pa sila sa Kalinga at Apayao upang makisaka dahil wala silang sariling lupang sakahan.
Matiyaga niyang tinutulungan ang kaniyang mga magulang kaya naman personal niyang nakikita ang paghihirap ng mga ito. Dahil dito, hindi na siya naghangad na magkaroon pa ng latin honors sa kaniyang pagtatapos dahil nais lamang niyang maiahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan.
Sa katunayan, ni minsan ay hindi na siya umasa na makakatungtong siya sa kolehiyo. Bagamat hinikayat siya ng kaniyang mga magulang na mag-aral at siniguro nilang susuportahan nila ang kaniyang edukasyon, si Jarel na mismo ang tumanggi dahil alam niyang mas kailangan nila ng pera para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at maaaring malubog lamang sila sa utang. Sa madaling salita, noon pa man ay alam na niyang hanggang high school lamang ang kaniyang matatapos. Hindi rin niya naiwasan na malungkot at mainggit sa ibang kabataan na handang pag-aralin ng kanilang mga magulang.
Photo credits: jareltadio | IG
Sa kabila nito, patuloy lamang siyang nagpursige sa paghahanap-buhay. Una siyang naging on-call catering service crew. Ngunit dahil maliit lamang ang kaniyang sahod, namasukan siya bilang isang kasambahay. Nagustuhan rin niya ang trabahong ito dahil bukod sa marangal itong trabaho, libre din ang kaniyang tirahan at pagkain. Dito na rin siya nagdesisyon na ituloy ang kaniyang pag-aaral.
Photo credits: jareltadio | IG
Bilang isang working student, pagod at puyat ang naging kalaban ni Jarel sa kaniyang pag-aaral. Dagdag pa rito, nakaranas din siya ng panlalait, panghuhusga, at diskriminasyon dahil sa kaniyang pinansyal na katayuan. Ngunit sa halip na mapanghinaan ng loob ay lalo pang nagsumikap si Jarel. Naging inspirasyon din niya ang kaniyang mga magulang.
Photo credits: jareltadio | IG
Nagbunga naman ang ilang taong pagsusumikap ni Jarel dahil ngayon ay nakapagtapos na siya sa Cagayan State University sa kaniyang kursong Hospitality Industry Management. Bukod dito, ipinagmamalaki rin niyang ibinahagi ang kaniyang nakuhang parangal bilang magna cum laude. Inialay niya ang tagumpay na ito sa kaniyang mga magulang at nangako itong tutulungan silang makaahon sa kahirapan.
Photo credits: jareltadio | IG
Hindi rin niya nakalimutang magbahagi ng payo, “Friends, just remember to give your best. Believe me, in moments of doubt, remember our family, especially our parents, our friends and love ones, they are always ready to guide and support us.”
