Isang Binata, Nakapagpatayo ng Munting Bahay at Sari-Sari Store sa Halagang Php10,000 sa Tulong ng Kaniyang mga Kaibigan

Isang binata ang hinahangaan ngayon ng marami sa social media. Kung titingnan ay maaaring masabi ng iba na ordinaryo lamang ang naabot niya ngunit kahanga-hanga naman ang kwento sa likod nito.

Kwento ng may-ari ng bahay at sari-sari store na ito na si Jeypee Gervacio, naipagawa niya ang lahat ng ito sa halagang PhP10,000. Ang ibabang bahagi ng kaniyang bahay ay gawa sa mga konkretong materyales samantalang ang itaas na bahagi naman ay gawa sa plywood. Bagamat maliit lamang at simple ang bahay na ito, hindi maipagkakaila na talagang maganda rin ito dahil sa pinturang inilagay dito.

Mayroon din itong sapat na espasyo na maaari niyang gamitin bilang sala o kaya naman ay kusina. Mapapansin din na talagang napakakomportable ng pribadong kwarto ni Jeypee.

Bukod sa mga ito, isa rin sa mga nakakabilib na parte ng bahay ni Jeypee ay ang kaniyang sari-sari store. Makikitang kumpleto at punong-puno ang kaniyang sari-sari store kaya naman talagang maraming mabibili rito ang kaniyang mga magiging suki.

Kahanga-hanga rin na naglaan si Jeypee ng espasyo upang magtayo ng isang maliit na pagkakakitaan. Hindi malayong mas gaganda at mas lalaki pa ang kaniyang tahanan sa hinaharap sa tulong ng kaniyang simpleng kabuhayan.

Nang matapos nga ang munting tahanan ni Jeypee, sinamantala niya ang pagkakataon upang ibahagi ito sa social media. Talaga namang ipinagmamalaki ito ni Jeypee hindi lamang dahil nagkaroon na siya ng kaniyang sariling lugar kundi dahil na rin sa mga tulong at suporta na kaniyang natanggap mula sa kaniyang mga kaibigan. Tinulungan umano siya ng kaniyang mga kaibigan mula sa pagpapatayo ng bahay hanggang sa pagpapaganda nito.

Dahil dito, marami ang natuwa para kay Jeypee, hindi lamang dahil sa pagkakaroon niya ng sariling bahay kundi pati na rin sa pagkakaroon niya ng mabubuting mga kaibigan. Ang ibang netizens naman ay nagbigay rin ng ilan pang payo kay Jeypee upang maging mas matibay ang kaniyang bahay.

Talagang nakakabilib ang naging resulta ng pagtutulungan ni Jeypee at ng kaniyang mga kaibigan. Nakakatuwa rin ang kasiyahan at pagiging kuntento ni Jeypee sa naabot niyang ito. Higit sa lahat, karapat-dapat na tularan si Jeypee sa kaniyang pagiging wais sa pagsisimula ng sariling hanap-buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *