Electrical, Civil, Mechanical Engineer, Teacher at Master Plumber, Kilalanin ang 50 Taon Gulang na Lalaking ito na Bumida sa Social Media

Ang pagiging isang lisensyadong propesyonal ang isa sa inaasam na makuha ng ilang mga estudyante. Dahil sa haba ng panahon na kanilang ginugugol sa pag-aaral gayundin ang malaking perang nagagastos para sa ilang taon nilang pamamalagi sa unibersidad, talagang ipinagmamalaki ng mga mag-aaral na ito ang kanilang pinaghirapang lisensya.

Para naman kay Apollo Pablo Zantua, hindi lamang isa ngunit limang lisensya ang kaniyang ibinida. Kabilang dito ang kaniyang lisensya bilang isang civil engineer, electrical engineer, mechanical engineer, master plumber, at guro.

Unang ibinahagi ang kwento ni Apollo noong ipina-renew niya ang mga lisensyang ito sa Professional Regulation Commission o PRC. Laking gulat ng mga empleyado sa nasabing opisina nang makita nila ang limang lisensya ni Apollo. Kwento niya, electrical engineering ang kinuha niyang kurso noon sa Bicol University.

Nagkaroon din siya ng scholarship sa Japan kung saan kumuha siya ng kursong production mechanical engineering. Dahil sa ibang bansa kinuha ni Apollo ang kursong ito, kinailangan niyang humingi ng recognition mula sa Commission on Higher Education o CHED.

Sa kabutihang palad, nabigyan siya ng recognition bilang mechanical engineer, industrial engineer, at guro. Matapos nito, nag-aral muli si Apollo upang kumuha ng kursong civil engineer. Kinuha naman niya ang licensure examination para sa kaniyang apat na propesyon sa loob lamang ng anim na buwan at nakakabilib na naipasa niya ang mga ito. Bukod dito, ibinahagi rin ni Apollo na isa siyang PhD graduate kaya naman mas nais niyang tawagin bilang “Doctor AP Zantua”.

Ngayon naman, nagtuturo siya sa Taguig City University sa mga kursong mechanical engineering, civil engineering, electrical engineering, at plumbing. Sa labas ng unibersidad, patuloy siyang nagtuturo ng iba’t ibang tutorials sa YouTube.

Bagamat marami ang pinasukang propesyon ni Dr. AP Zantua, inamin niyang hindi siya isang honor student noon kaya naman lagi niyang ipinapaalala sa kaniyang mga estudyante na kailangan lamang ng determinasyon at sipag sa pag-aaral.

Dahil kay Dr. AP Zantua, talagang napatunayan na posibleng makuha ninuman ang kanilang inaasam na pangarap. Wala ring makahahadlang sa kanilang pagiging isang propesyonal basta’t patuloy lamang na ipapamalas ang kanilang kasipagan sa pag-aaral. Bagamat mahaba-habang panahon ang kanilang gugugulin sa pag-aaral, tiyak naman na magiging sulit ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *