SuperNanay na Bitbit Lagi ang Kaniyang Dalawang Anak sa Unibersidad, Ngayon ay Nakapagtapos na sa Kaniyang Master’s Degree

Walang duda na kayang gawin ng kahit sinong ina ang lahat para lamang sa kaniyang mga anak. Bagamat mahirap pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pagiging nanay, napakarami na ang nagpatunay na kayang-kaya itong malampasan ng mga nanay. Para naman kay Mommy Joyce Yabres, pinatunayan niyang kayang-kaya rin ng mga nanay na tuparin ang kanilang pangarap habang patuloy na ginagampanan ang kanilang pagiging nanay.

Kung ang ibang mga regular na estudyante ay mayroong masasaya at malulungkot na karanasan kasama ang kanilang mga kapwa estudyante, kasa-kasama naman ni Mommy Joyce ang kaniyang dalawang pinakamamahal na anak sa mga kasiyahan at pagsubok sa kaniyang pag-aaral,

“Napakarami naming experiences na nakakatuwa, nakakatawa, nakaka-stress at nakaka-bless.”


Photo credits: Joyce Yabres \ Facebook

Kwento ni Mommy Joyce, tatlong taong gulang ang kaniyang panganay na anak at ipinagbubuntis naman niya ang kaniyang bunsong anak nang simulan niya ang pag-aaral para sa kaniyang Master’s degree sa UP. Hinahatid at sinusundo niya sa eskwelahan ang kaniyang anak sa umaga at sa gabi naman ay nag-aaral siya.

Maswerte rin umano siya kung mayroong mga kapamilya na mayroong oras upang alagaan ang kaniyang mga anak. Sa ibang pagkakataon naman, sinusundo ng kaniyang asawa mula sa trabaho ang kanilang mga anak ngunit kadalasan ay wala siyang magawa kundi dalhin ang dalawang anak sa eskwelahan. Mayroon ding mga pagkakataon kung saan humihingi siya ng tulong sa ibang kapamilya ng kaniyang mister habang siya ay mayroong reports sa klase. Sa kabila nito, malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang mga kaklase at guro na naiintindihan ang kaniyang sitwasyon.

Dumagdag pa sa mga naging hamon sa pag-aaral ni Mommy Joyce ang COVID-19. Bagamat hindi na niya kinailangang isama sa eskwelahan ang kaniyang mga anak dahil sa pagpapatupad ng online classes, nagkaroon naman ng banta sa kanilang kalusugan. Natamaan nga ng COVID-19 virus si Mommy Joyce noong kaniyang huling semester sa unibersidad ngunit sa halip na mapanghinaan ng loob, patuloy pa rin siyang nagsikap. Pumapasok siya sa kaniyang mga online classes habang iniinda ang sakit.

Photo credits: Joyce Yabres \ Facebook

Matapos nga ang limang taon, nakamit na rin sa wakas ni Mommy Joyce ang kaniyang inaasam na Master’s degree. Dahil sa karanasang ito ni Mommy Joyce, nahubog umano ang kaniyang pagkatao at pananampalataya. Nagkaroon din siya ng napakaraming aral at napagtanto niya na ang tagumpay ay hindi nasusukat ng diploma, “sablay”, o anumang seremonya,

“Ang tagumpay pala ay makikita sa araw-araw na paglaban sa mga hamon ng buhay. Ang makatulong sa iba, makapagbigay inspirasyon sa iba, maiangat ang iba, magbigay direksyon sa iba, maglingkod sa iba, ito pala ang tunay na tagumpay.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *