Filipino Sorbetes, Patok Ngayon sa Belgium Dahil sa Mag-Asawang Ito

Hindi maiwasan ng mga Pilipinong nangingibang-bayan na hanapin ang kanilang nakagisnang pagkain dito sa Pilipinas. Dahil dito, marami sa kanila ang nagkakaroon ng ideya na magtayo ng maliit na negosyo upang maihatid ang mga orihinal na pagkaing Pinoy sa kanilang kapwa OFW. Isa rin itong magandang paraan upang maibahagi sa mga banyaga ang ating sariling pagkain.

Napakarami na rin ang mga gawang Pinoy na pagkain ang naipakilala at tinangkilik sa ibang bansa. Nariyan ang mga Filipino restaurants, supermarket, street food, at marami pang iba. At dahil dumarami na ang mga OFW sa ibang bansa, talagang pumapatok ang mga ito. Kung minsan pa nga, hindi lamang mga Pilipino ang tumatangkilik sa mga produktong Pilipino na ito dahil binabalik-balikan din ng mga banyaga ang kakaibang produkto ng mga Pilipino.

Nagkaroon din ng ideya at oportunidad ang Filipino-Belgian na mag-asawang ito na dalhin ang produktong Pilipino na sorbetes sa Belgium. Nagtatrabaho bilang nurse ang Pinay na si Kamille Rodriguez habang isa namang pastry chef ang kaniyang asawa na si Jelle Bories.

Ayon sa mag-asawa, nagsimula lamang ang maliit na negosyong ito bilang pampalipas oras. Madalas din umanong maghanap si Kamille ng mga Pilipinong pagkain kaya naman ipinagluluto siya ng kaniyang asawa. Kalaunan, nagdesisyon sila na magsimula na ng isang maliit na negosyo para na rin sa mga kapwa Pilipino sa Belgium na nais ulit matikman ang kanilang kinagisnang pagkain sa Pilipinas.

Mula nga sa paggawa ng simpleng sorbetes sa kanilang tahanan, sinimulan na nila noong July 2020 ang Sorbetes ni Manong Jelle kung saan nagbebenta sila ng sorbetes. Mayroon silang iba’t ibang flavors gaya ng mangga, durian, at ube. Naging malikhain din ang mag-asawa kaya naman ngayon ay mayroon na silang karagdagang flavors kung saan ipinagsama nila ang iba’t ibang Filipino at Belgian flavors sa kanilang sorbetes.

Bukod sa flavors ng kanilang sorbetes, talaga nga namang Pilipinong-pilipino ang negosyong ito dahil inilalako rin ng mag-asawa sa isang kariton ang kanilang mga produktong sorbetes. Mayroon din silang door-to-door deliveries ngayon. At dahil sa matagumpay na negosyo, mula sa tatlong customers, ngayon ay nakakapagbenta na ang mag-asawa ng 80 tubs ng sorbetes sa isang linggo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *