Isang Architecture Student, Kumakayod sa Gabi Bilang Security Guard, Naging Inspirasyon sa Social Media

Talagang nakakamangha ang mga estudyante na ginagawa ang lahat at kumakayod nang husto para lamang makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho. Kung ang ilan sa kanila ay pinagsasabay ang pag-aaral at pagnenegosyo, ang iba naman ay mayroong part-time o full-time na trabaho. Matapos ang kanilang mahabang araw sa loob ng paaralan, magtatrabaho rin sila ng ilang oras upang kumita at matustusan ang mga pangangailangan sa pag-aaral.

Nakilala at hinahangaan nga ngayon sa social media ang isang security guard na isa ring architecture student. Makikita sa larawan sa social media ang 25 anyos na security guard na kinilala sa pangalang Melquisidec Aurea.

Sa larawan, makikita na habang nagtatrabaho ito bilang guard sa gabi, sabay rin niyang ginagawa ang kaniyang plates. Lalo pang hinangaan si Melquisidec dahil sa pagtitiis nitong mag-aral sa ilalim ng maliit na ilaw.

Ayon naman kay Cristina Sofia Frencillo na unang nagpost ng larawang ito, humanga siya sa security guard lalo na sa abilidad nitong pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Kwento niya,

“Initially, nagulat po kami kasi ‘yung focus niya po ay sa work niya talaga, tapos everytime po na may dadaan naa-alarma siya kaagad. Kung wala namang tao siya ay nagdo-drawing.”

Sang-ayon naman ang mga netizens sa husay at sipag na ipinamalas ni Melquisidec. Ayon nga sa isang komento,

“This guy will ultimately achieve his goal. He has lots of perseverance, dedication, determination, and hardwork. God bless you, son.”

Photo credits: Be an Inquirer | Facebook

Naitampok na rin ang kwentong ito sa iba’t ibang show sa radyo kung saan napakaraming may mabubuting kalooban ang nagpaabot ng kanilang tulong at suporta kay Melquisidec. Ibinahagi rin nila ang mga paraan upang makatulong sa kaniya. Bagamat nakapagpundar na siya ng laptop mula sa kaniyang sipag at tiyaga bilang estudyante at security guard, nangangailangan pa rin si Melquisidec ng sapat na drawing materials at libro.

Photo credits: Be an Inquirer | Facebook

Sa ngayon ay mayroong libo-libong komento at shares ang orihinal na post na ito kaya naman inaasahang napakarami pa ang makatutulong kay Melquisidec.
Inspirasyon ang mga katulad ni Melquisidec na walang-sawang naghahanap ng paraan upang matustusan ang pangangailangan at maabot ang sariling pangarap. Anumang hirap at pagod ay kayang-kayang tiisin para lamang sa inaasam na diploma.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *