75 Anyos na Ama, Matiyagang Sinasamahan ang Kaniyang May Kapansanang Anak sa Paghahanap ng Trabaho

Totoong kung minsan, nakakapanghina ng kalooban ang mga pagsubok ng buhay lalo na kung hadlang ang iyong pisikal na abilidad na malampasan ang mga ito. Sa isang banda, gumagaan naman ang ating pakiramdam at nagkakaroon tayo ng karagdagang rason upang lumaban kung nariyan lagi ang ating mga mahal sa buhay na handang sumuporta sa atin. Kaya naman kahanga-hanga ang kwento ng 50 anyos na si Edwin at ang kaniyang 75 anyos na amang matiyagang tumutulong upang maabot ang kaniyang mga pangarap.

Paglalahad ng 50 anyos na si Edwin Garin, nahinto siya sa pag-aaral mula nang maaksidente siya at nahirapang makalakad. Ngunit sa halip na mawalan ng pag-asa sa buhay, tuloy-tuloy pa rin si Edwin sa pagkamit ng kaniyang pinapangarap na diploma. Taong 2014 ay nakapag-aral siya sa pamamagitan ng ALS kaya naman nang sumunod na taon rin ay agad siyang nakapagtapos sa high school.

Photo credits: Facebook

Kahit siya ay nakasakay na lamang sa isang wheelchair, tinuloy pa rin niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong BS Education. Dahil sa kaniyang kasipagan, mapalad siyang naging ganap na guro noong 2019. Ngayon naman, inaasam niyang makapagturo sa kabila ng kaniyang kapansanan. Talagang malakas ang pagnanais ni Edwin na makapagtrabaho at makatulong sa kaniyang pamilya. Ayon sa kaniya, anim na taon na siyang tulak-tulak ng ama kaya naman nais niyang maibalik sa kaniyang tatay ang lahat ng paghihirap at sakripisyo nito.

Photo credits: Facebook

Dahil sa nakakaantig na kwentong ito ni Edwin, hindi maiwasan ng head teacher ng paaralang nais niyang pasukan na humanga sa kanilang sipag at katatagan. Dahil dito, inirekomenda niya si Edwin sa ilan pang paaralan. Ibinahagi rin niya ang kwentong ito sa social media kung saan nagbigay siya ng kaunting payo at hamon lalo na para sa mga kabataan,

“Sa mga kabataang malalakas pa sa kalabaw at wala namang mga kapansanan, sino tayo para sumuko? Sino tayo para bumitaw? Na sa mga hamon ng buhay, sino tayo para umayaw?”

Photo credits: Facebook

Tunay na magandang ehemplo si Edwin sa mga kabataan. Isa siyang inspirasyon upang hindi magpatalo sa mga hamon ng buhay. Isang mabuting halimbawa rin ang tatay ni Edwin lalo na sa mga magulang upang mas lalo pa nilang pag-igihan ang suporta sa kanilang mga anak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *