Mula sa Paninisid ng Pera sa Pier, Ngayon ay Isa nang Guro at Master’s Degree Holder ang Babaeng Ito

Talagang nakakaantig ng damdamin ang bawat kwento ng mga taong nagmula sa hirap at ngayon nga ay mayroon nang komportableng buhay. Kahanga-hanga ang mga taong ito lalong-lalo na kung paano nila nalampasan ang bawat pagsubok na dumating sa kanilang buhay. Hindi rin matatawaran ang kanilang pagsisikap upang makamit ang inaasam na tagumpay.

Photo credits: Arlen Eje Alex| FB

Hindi aakalaing mula rin sa hirap ang gurong si Arlene Eje Alex dahil ibang-iba na ngayon ang kaniyang buhay. Nag-viral si Arlene matapos niyang ibahagi sa publiko ang kaniyang mga napagdaanan bago niya nakamit ang tagumpay ngayon. Isang Badjao umano si Arlene at noon pa man ay may kahirapan na ang kanilang buhay.

Gayunpaman, pinaghihirapan ng kaniyang mga magulang na buhayin ang kanilang pamilya. Sinisikap ng kaniyang tatay na magtrabaho upang hindi na kailanganin ni Arlene na magtrabaho sa murang edad pa lamang.

Photo credits: Arlen Eje Alex| FB

Ngunit sadyang mahirap ang buhay lalo na noong magkasakit ang kaniyang tatay. Dahil sa kaniyang karamdaman, hindi na nito nagawang magtrabaho pa.

Kaya naman walang nagawa ang walong taong gulang na si Arlene kundi ang magtrabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at ng kaniyang may sakit na ama. Dito na nga nagsimula ang paninisid ng pera ni Arlene sa isang pier.

Photo credits: Arlen Eje Alex| FB

Ayon sa kaniyang Facebook post, “Eight years old po nag-start na akong manisid sa pier para lang po maka-survive sa araw-araw at may panustos sa pag-aaral.”

Bagamat nagtatrabaho nga si Arlene ay hindi niya pinabayaan ang kaniyang pag-aaral, bagkus ay naging motibasyon niya ang kanilang kasalukuyang buhay upang mas pagbutihin ang kaniyang pag-aaral.

Kalaunan nga ay nagbunga na ang lahat ng paghihirap ni Arlene. Nakapagtapos siya sa kolehiyo at ngayon ay nagtatrabaho na bilang guro sa isang pampublikong paaralan. Dagdag na rin ngayon sa mga tagumpay ni Arlene ang kaniyang pagtatapos sa kaniyang Master’s degree.

Photo credits: Arlen Eje Alex| FB

Bagamat ibang-iba na ang buhay ngayon ni Arlene, hindi niya ikinahiya ang naging buhay niya noon. Ibinahagi niya pa ito sa ibang tao upang maging inspirasyon at motibasyon sa kung anong hamon ang pinagdadaanan nila ngayon.

Patunay si Arlene na totoong nagbubunga ng maganda ang pagsisikap. Kahanga-hanga rin si Arlene sapagkat hindi siya nagpatalo sa mga hamon ng buhay bagkus ay patuloy lamang niyang pinagbuti ang kaniyang pagtatrabaho at pag-aaral.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *