Isang Stay-At-Home Dad, Ipinamalas ang Galing sa Paggawa ng DIY Loft Bed at Study Table Para sa Kaniyang Dalawang Anak

Noong nagsimula ang pandemya, ang lahat ng mag-aaral ay napilitang mag-aral sa loob ng kanilang mga tahanan. Bagamat ganito ang kanilang sitwasyon, napaka-importante pa rin na magkaroon ng komportable at maaliwalas na espasyo ang mga batang ito. Dahil dito, ang mga magulang ay nagsumikap na gumawa ng paraan upang magkaroon ng sariling espasyo ang kanilang mga anak.

Naging isang magandang oportunidad naman ito para kay Neal Forfieda na ipamalas ang kaniyang galing sa iba’t ibang DIY projects. Ayon sa kaniyang asawa na si Jennifer, naapektuhan umano ng pandemya ang kaniyang trabaho kaya naman nagkaroon siya ng maraming oras para sa kanilang pamilya. Isa na nga sa kaniyang naging proyekto ay ang loft-style bed at study table ng kanilang dalawang anak na sina Jahzara Vinnie at Janeeya Caitlin.

Photo credits: JENN FORFIEDA | Facebook

Matagal na umano nilang gusto na magkaroon ng loft-style bed para sa kanilang mga anak ngunit dahil kapos sa budget, ginawa na lamang nila ito gamit ang bunk beds ng mga bata. Perpekto rin ang proyektong ito lalo na at kasalukuyang sa bahay lamang nag-aaral ang kanilang dalawang anak.

Photo credits: JENN FORFIEDA | Facebook

Kwento nga ni Jennifer, “Maliit na sa kanila ‘yung study table nila, so naisipan naming i-cut na lang ang bed nila at wala naman kaming magagastos masyado.”

Photo credits: JENN FORFIEDA | Facebook

Kaugnay nito, ang halaga ng mga materyales ang isa sa mga hamon ng mga DIY projects. Para naman sa pamilya nina Neal, nakatipid sila dahil sa mga dating materyales na mayroon sila. “Gumamit kami ng extrang kahoy for the base of the chairs and wood pallets na may stock naman talaga since nag-d-diy kami nung mag-pandemic. Screw, nails, and paint rin. Kaya all-in-all, wala kaming ginastos,” pagsasaad ni Jennifer.

Photo credits: JENN FORFIEDA | Facebook

Sulit naman ang lahat ng pagod ni Neal dahil talagang nagustuhan ng kaniyang mga anak ang resulta ng proyektong ito.

Kwento nga ni Jennifer, “Tuwang-tuwa po sila kasi maluwag na space nila ‘pag nag-sa-study. Super thankful sila sa’min ng daddy nila. Medyo matagal tagal nilang magagamit yun kasi kahit kami pwede dun.”

Photo credits: JENN FORFIEDA | Facebook

Hindi na nakapagtataka kung talagang nagustuhan ng kaniyang mga anak ang proyektong ito dahil noon pa man ay napakarami nang nagawa ni Neal na DIY projects sa kanilang tahanan gaya ng ilang palamuti sa kanilang garden.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *