“Hindi Grades o Diploma ang Batayan sa Panahon Ngayon”: Negosyante, Ibinahagi ang Kaniyang Sekreto sa Tagumpay

Isa sa mga karaniwang paniniwala ng ilang tao ay ang mga grado sa eskwelahan ang tanging batayan ng pagiging matagumpay sa hinaharap. Inaasahan na magiging isang magaling na propesyunal ang mga taong ito.

Ang ilan din sa mga matagumpay na negosyante ay kilalang nakapagtapos sa magagarang mga unibersidad sa ibang bansa. Dahil dito, madalas na ipinaaalala ng mga magulang ang kahalagahan ng edukasyon. Kaya naman sobra-sobra ang kanilang pagsusumikap upang makapagtapos ang kanilang mga anak. Para sa ilan, ito ang susi upang maging matagumpay at makaahon sa kahirapan. Ngunit naiiba ang negosyanteng si Ian Gonzales.

Photo credits: Selaznog Nai | Facebook

Naging viral ang isang social media post ni Ian kung saan ipinakita niya ang kaniyang report card sa elementarya. Makikitang hindi gaanong kataasan ang mga grado ni Ian. Karamihan sa kaniyang mga grado ay nasa 70 na porsyento lamang.

Photo credits: Selaznog Nai | Facebook

Ngunit para sa kaniya, bagamat importante pa rin ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon, hindi naman makahahadlang ang mababang mga grado sa pagkamit ng tagumpay. Dagdag pa ni Ian, hindi lamang ang mga ito ang tanging basehan ng pagiging matagumpay. Mababasa nga sa kaniyang Facebook post ang kaniyang sekreto sa tagumpay na tinatamasa niya ngayon,

“Hindi grades o diploma ang batayan sa panahon ngayon. Kilos mo, galaw mo at diskarte mo yan ang labanan sa panahon ngayon. Sipag at tiyaga lang samahan muna din ng dasal, lahat tayo aasenso.”

Photo credits: Selaznog Nai | Facebook

Dahil nga sa pananaw na ito ni Ian, ngayon ay isa na siyang matagumpay na negosyante. Siya ang nagmamay-ari ng ilang negosyo sa Batangas gaya ng Chubby Thai Parts at Classical Works Batangas.

Photo credits: Selaznog Nai | Facebook

Umani naman ng magkahalong reaksiyon mula sa mga netizens ang post na ito ni Ian. May ilang nagbahagi ng kanilang mga nakakatuwang karanasan bilang mag-aaral habang may ilang netizens na sumang-ayon din sa pananaw na ito ni Ian lalo na at napakarami na ang mga kwento ng tagumpay mula sa ilang negosyante na hindi rin nagkaroon ng diploma.

Photo credits: Selaznog Nai | Facebook

Patuloy na nagiging inspirasyon ang mga kwentong gaya nito lalo na para sa mga taong hirap na makapagtapos ng kanilang pag-aaral. Totoong magkakaroon pa rin ng napakaraming oportunidad para sa mga masisipag at madiskarteng tao gaya ni Ian.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *