Alamin: Paano Nga Ba Nagkaroon ng Sariling Bahay ang Pamilya na Ito sa Tulong ng Pag-IBIG Acquired Assets?

Hindi maipagkakaila na talagang mahirap ang pagpapatayo ng sariling tahanan. Marami at mahirap ang mga prosesong kailangang pagdaanan. Hindi rin maiiwasan ang ilang mga problema bago pa makuha ng isang tao ang kaniyang inaasam na tahanan. Mabuti na lamang at sa panahon ngayon ay napakarami na ring paraan upang magkaroon ng isang tahanan.

Isa na nga rito ang Pag-IBIG Acquired Assets na programa ng gobyerno. Ibinahagi naman ni Aisa Balano Paril kung paano nagkaroon ang kaniyang pamilya ng sarili nilang tahanan sa tulong ng programang ito.

Photo credits to the owner

Ayon kay Aisa, sa Pag-IBIG Acquired Assets, maaaring bilhin ng mga indibidwal ang mga property na naremata ng Pag-IBIG mula sa mga taong hindi na nakapagbayad ng kanilang utang dito. Dagdag ni Aisa, isa itong paraan upang magkaroon ng bahay ang isang pamilya sa murang halaga lamang.

Nagkakahalaga ng PhP855,000 ang nakuha nilang property dito. Inilahad naman niya ang kaniyang mga naging karanasan sa pagbili nito,

“Tatlong beses kami nag-try mag-apply at mag-bid. Sa una at pangalawa, talo kami, pero sa pangatlo, nanalo na. Salamat kay Lord. Tiyaga lang talaga.”

Photo credits to the owner

Bagamat totoong mas mura ang mga property dito, hindi rin madali ang kabuuang proseso at maaaring magkaroon ng ilang problema. Isa na nga rito ay kung mayroong mga diperensya ang property kaya naman ayon kay Aisa ay mainam kung bibisitahin mismo ng mga interesadong buyers ang property upang masuri ito nang maayos.

Photo credits to the owner

Mayroon ding mga pagkakataon kung saan ang mga property na ito ay kasalukuyang inookupahan ng mga dating may-ari nito kaya naman para kay Aisa, mas makabubuti kung pipiliin ang mga “unoccupied” na properties. Katulad naman ng karaniwang pagpoproseso ng mga nabiling ari-arian, marami ang mga dokumentong kailangang asikasuhin ng mga may-ari katulad ng mga ID at personal na mga impormasyon.

Photo credits to the owner

Isa rin sa mga suhestiyon ni Aisa ang pagbisita sa website ng Pag-IBIG upang masuri nang maayos ang mga importanteng impormasyon ng bawat property gaya ng lot area, floor area, at maging ang minimum bid na kinakailangan sa pagbili nito.

Bago man para sa karamihan ang programang ito, hindi maipagkakaila na isa itong maganda at mas murang paraan upang magkaroon ng inaasam na tahanan ang isang pamilya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *