Isang mahalagang leksyon sa buhay ang ibinahagi ng tinaguriang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa kapwa niya artista, na mas bata sa kanya at nagsisimula pa lamang sa industriya ng showbiz. At ito nga ay ang tamang paghawak ng perang mula sa kanilang kita sa pag-aartista.
Photo Credits: Vilma Santos| IG
Hindi na lingid sa kaalaman ng marami na bilang isang Star for All Season sa showbiz, ay marami nang naging karanasan sa kanyang karera si Ate Vi, lalo na nga sa kanyang estadong pinansyal. At sa isang panayam nga ng Pep.ph, ay ibinahagi ni Ate Vi ang isang karanasan na nagbigay sa kanya ng matinding leksyon na kanya naman ngayong ibinabahagi sa kapwa niya artistang mas bata sa kanya, katulad na lamang nga ng mga aktor na sina Piolo Pacual at Marvin Agustin.
Matatandaan na nakatrabaho ni Ate Vi sa isang proyekto ang dalawang aktor noong 2002 sa pelikulang “Dekada 70”. At dito nga ay nabigyang pagkakataon ang award-winning aktres na maibahagi ang isang leksyon, ang tamang paghawak ng pera.
Photo Credits: Vilma Santos| IG
Kwento nga ni Ate Vi, tuwing break time ay nakakausap niya ang dalawang aktor kung saan ibinahagi niya ang pagsubok na kanyag naranasan bilang isang artista. Isa na nga rito ang kanyang pinagdaanang financial problem, kung saan talagang walang-wala siya at kung paano niya itong nabigyang sulosyon.
“Literally, back to zero. Nagka-utang-utang and everything, shine-share ko iyon sa kanila lahat kung papaano nangyari sa akin iyon.”
“So even actors who are earning a lot, ang laki ng pera diyan, I always tell them please, please learn how to take care of your money.”
“Kasi tomorrow is another day. Baka bukas, hindi ka na sikat. Ang dami mong pinagbibibili nang wala ka nang pambayad. Talagang lulubog ka financially.”
Photo Credits: Vilma Santos| IG
Binigyang diin nga ng Star for All Seasons, ang kahalagahan ng tamang paghawak ng pera ng isang artista, dahil ang kasikatan sa harap ng camera ay hindi pang habang buhay.
Matatandaan naman na noong dekada 80’s nang malubog sa pagkakautang ng milyon-milyon si Ate Vi. Nang mga sandaling iyon, ay ipinagbubuntis niya ang kanyang anak kay Edu Manzano na si Luis Manzano. Pagbubunyag ni Ate Vi, ay hindi raw niya alam na umabot na sa P80 million ang pagkakautang niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Kaya naman, ang leksyon naman na kanyang natutunan sa nangyaring ito, ay huwag basta-bastang nagtitiwala.
Photo Credits: Vilma Santos| IG
“Isang naalala kong natutunan ko, very expensive education… isang natutunan ko, huwag kang pirma nang pirma. Basahin mo iyong pipirmahan mo.”
“Kasi nung araw, pag ibibigay lang sa akin, sige pirma kasi antok ako sa pagod. Ayon pala ang pinipirmahan ko isang milyon na, naka-cash, hindi ko alam.”
At magmula nga noon ay naging maingat at mabusisi na siya sa mga papeles na kanyang natatanggap. Matapos nga makabangon sa pagkalugmok, at mabayaran ang pagkakautang sa BIR ay umarangkada naman ang kanyang karera kung saan ay inulan ng napakaraming proyekto na nagpapatunay ng kanyang pagiging award-winning actress.
Photo Credits: Vilma Santos| IG
Samanatala, ang kanyang naging karanasan na naibahagi sa kapwa niya artista tulad nina Piolo at Marvin, ay malaki rin ang naitulong sa karera ng mga ito. At ngayon nga, ay masaya si Ate Vi sa tinatahak na tagumpay ng dalawang aktor lalo na’t nakikita niya ang tamang paghawak sa perang kanilang kinikita sa pagtatrabaho bilang mga artista.
“When you see Piolo, sinasabi iyon ni Piolo, Mommy Vi ang tawag niya sa akin, na, ‘Mommy Vi, up to now po, ginagawa ko iyong mga payo niyo.’”
“Look at Marvin Agustin. Ang galing ng buhay ni Marvin. Hinandle niya nang tama iyong pera niya.”
“Look at Marvin Agustin now, a businessman na napangalagaan iyong pera niya. And for that, maligaya na po iyong puso ko na nakita ko iyong mga co-stars ko na na-sharean ko noon how to handle their life and their career, and their money.”