Isa si Dawn Zulueta sa mga batikang aktres sa showbiz. Sumikat siya sa kaniyang mga pagganap sa mga pelikula sa telebisyon katulad ng Hihintayin Kita sa Langit, Una Kang Naging Akin, at sa remake ng kilalang palabas na Mula sa Puso. Bukod sa kaniyang pag-arte sa harap ng kamera, nagkaroon din siya ng pagkakataon noong 2010 na gumanap sa isang stage musical na A Little Night Music.
Dahil sa kaniyang hindi matatawaran na galing sa pag-arte, nakatanggap na rin si Dawn ng iba’t ibang parangal gaya ng Best Actress sa FAMAS at Best Supporting Actress mula sa Film Academy of the Philippines.
Bukod sa pagiging artista, isa ring asawa si Dawn kay Antonio Lagdameo Jr. Mayroon silang dalawang anak na sina Jacobo at Ayisha. Una raw silang nakatira sa isang napakagandang condominium unit sa Makati ngunit kalaunan ay lumipat din sa isang three-bedroom house. Noong nakaraan nga ay ipinasilip ni Dawn ang kaniyang bahay na dinesenyo ng architect at interior designer na si Chito Antonio.
Sa pagpasok pa lamang sa bahay na ito ay makikita agad ang mga klasikong disenyo at dekorasyon.
Makikita ang mga kahoy na furniture at mga paintings sa dingding. Sa living area naman makikita ang ilang entertainment appliances at mga memorabilia. Ibinahagi rin ni Dawn na mismong ang kaniyang asawa ang nagdisenyo ng parte ng bahay na ito.
Dahil sa limitadong espasyo ng bahay ay naging wais ang mag-asawa sa pagpili ng mga furnitures. Isang halimbawa dito ay ang kanilang six-seater na lamesa sa dining area. Perpekto ito sa kanilang pamilya dahil maaari itong pahabain para sa kanilang dagdag na mga bisita.
Hindi naman hadlang ang limitadong espasyo upang magdagdag ng mga eleganteng dekorasyon para sa bahay katulad ng kanilang chandelier, lamp na gawa sa marmol, at ang artwork ng isang National Artist for the Visual Arts na si Abdulmari Imao.
Maaliwalas naman ang dating ng kusina ng bahay. Bagay na bagay rin ang malawak na espasyo nito para kay Dawn at sa kaniyang asawa na parehong kinagigiliwan ang pagluluto.
Kumpleto rin ang kusinang ito ng iba’t ibang mga kagamitan.
Totoong bagay na bagay kay Dawn ang disenyo ng kanilang tahanan. Tulad ni Dawn, elegante ito at wais ang pagkakagamit sa bawat espasyo at kagamitan sa loob ng kanilang tahanan.