Connect with us

Entertainment

Tatay, Napagtapos sa Kolehiyo ang Anim na Anak Dahil sa Pagbebenta ng Iba’t Ibang Produkto sa Kalye

Bukod sa ilang pangangailangan ng mga anak katulad ng pagkain, damit, at maayos na tirahan, pinipilit din ng mga magulang na bigyan ng magandang edukasyon ang mga anak. Ngunit dahil nga sa kahirapan ng buhay, totoong malaking hamon ito para sa mga magulang.

Para naman kay Tatay Geronimo Tolibas Sr. ng Caloocan, kaya niyang gawin ang lahat para makapagtapos lang sa pag-aaral ang mga anak. Sa edad na 57 taong gulang, pumasok na siya sa kung anu-anong trabaho at nakapagbenta ng kung anu-anong produkto para sa magandang buhay at edukasyon ng mga anak.

Bukod sa pagbebenta ng mani sa terminal ng bus, nagbebenta rin siya ng banana cue, kamote cue, siopao, cake, at maging mga scrunchies o panali sa buhok sa lansangan. Pinasok din niya ang pagpapadyak at pagiging construction worker.

Dahil sa sipag at tiyaga ni Tatay Geronimo, napagtapos niya sa pag-aaral ang kaniyang anim na anak at lahat ay may maayos na hanap-buhay. Apat sa kanila ay nakapagtapos sa kolehiyo habang ang dalawa naman ay nakapagtapos ng vocational course. Buong pagmamalaking ibinahagi ni Tatay Geronimo ang mga natapos ng kaniyang mga anak. Kwento niya, nagtapos sa TESDA ang kaniyang panganay na anak at ngayon nga ay mayroon nang maliit na patahian.

Ang ikalawang anak naman ay nakapagtapos sa kolehiyo na may kursong BS Education. Isa na rin siyang ganap na guro ngayon at nagtuturo na sa Maypajo Elementary School. Ang sumunod naman sa mga magkakapatid ay nakapagtapos din sa kolehiyo na may kursong Psychology. Nagtatrabaho na rin siya bilang head ng Human Resources department sa isang kompanya sa Tondo habang ang ikaapat sa magkakapatid ay kumuha at nakapagtapos ng kursong Political Science at ngayon ay nagtatrabaho na sa City Hall ng Caloocan.

Sa TESDA rin nagtapos ang sumunod na anak ni Tatay Geronimo sa ilalim ng programang Housekeeping. Accountancy naman ang natapos ng bunsong anak ni Tatay Geronimo at ngayon ay nagtatrabaho na sa isang opisina.
Ehemplo ang pamilya ni Tatay Geronimo ng pagtitiyaga, kasipagan, at pagtutulungan. Dahil sa sipag at tiyaga ng bawat miyembro ng kanilang pamilya, natamasa nila ngayon ang tagumpay at mas naging mabuti ang kanilang pamumuhay.

error: Content is protected !!