Kakaibang Prenup Photoshoot ng Mag-asawa sa Cebu, Kinaaliwan ng mga Netizens

Ang pagpapakasal ay isa sa mga hindi malilimutang okasyon ng mga magkasintahan. Kaya naman hangga’t maaari, gusto nilang makunan ng litrato ang isa sa pinakamahalagang araw ng kanilang buhay. Kung noon ay simpleng kasal at reception lang ang inihahanda ng mga magpapakasal, ngayon ay napakarami nang inihahandang preparasyon. Normal na ngayon ang mga prenup photoshoot. Kadalasan, ang mga photoshoot na ito ay ginaganap sa magagandang mga lugar. Kung minsan naman, ipinapakita ng magkasintahan sa mga litrato ang kanilang love story.

Pero kakaiba ang tema ng prenup photoshoot ng mag-asawa sa Lapu-Lapu, Cebu na sina Chayne at Warren Cortes. Sa halip na glamoroso ang tema ng photoshoot, mas pinili nilang ipakita ang reyalidad at totoong buhay mag-asawa. Totoong hindi araw-araw ay masaya at elegante ang buhay may asawa. Minsan ay may mga hirap at sakripisyo na kailangang pagtulungan ng dalawa.

Kaya naman sa kanilang photoshoot, ipinakita nila ang araw-araw nilang pamumuhay sa loob ng 16 na taon nilang pagsasama. Sa mahabang taong kanilang pagsasama bago sila ikasal, talagang napakarami na nilang napagdaanan. Kaya naman ipinakita nila ito sa nakakatuwang paraan. Sa ilang mga litrato, makikita na magkasamang ginagawa ni Chayne at Warren ang mga gawaing bahay katulad ng pagluluto, paglilinis ng bahay, paghuhugas ng pinggan, at paglalaba.

Bukod dito, ibinahagi din nila sa mga litrato ang masasayang salu-salo ng kanilang pamilya, mga kulitan, at maging ang mga hindi pagkakaintindihan.
Hindi lang rin ang mag-asawa ang kasama sa photoshoot na ito.

Isinama rin nila ang kanilang dalawang anak at mga alagang aso sa ilang mga litrato. Sinabi naman ni Chayne ang dahilan kung bakit ganito ang tema ng kanilang photoshoot. Kwento niya, “Mas gusto namin na true to life ang prenup namin. Lahat ng eksena na lumabas at ilalabas pa ay totoo. Para easy shoot na rin. Na add na lang yung make-up and cameras.”
Makikitang masaya ang pamilya Cortes sa resulta ng kanilang photoshoot.

Bitbit din nila ito bilang isang magandang alaala. Bukod sa kanilang pamilya, ikinatuwa rin ng mga netizens ang mga nakakaaliw na litrato. Ayon sa ilan, “relatable” ang mga litrato habang ang iba naman ay nabigyan ng ideya kung ano ang totoong buhay may asawa.