Connect with us

Entertainment

Isang OFW, Nakapag-ipon ng Higit Isang Milyon Dahil sa Pag-iwas at Pag-tigil sa Bisyo

Napakaraming tao ang nakakaranas ng stress mula sa trabaho at iba pang mga problema. Iilan din sa mga taong ito ang kumakapit na lang sa bisyo upang maibsan ang kani-kanilang mga stress. Ngunit nagiging delekado ito lalo na kung tuluyan itong maging sanhi ng adiksyon. Bukod sa masamang dulot ng mga bisyo sa kalusugan, nagagamit din sa mga masasamang gawain na ito ang mga perang kinikita o iniipon.

Naranasan din ito ng OFW na si Neil Ryan Lorenzo. Habang siya ay nagtatrabaho sa ibang bansa, ginugugol niya ang oras sa paninigarilyo at pagsusugal tuwing pagod at nangungulila siya sa pamilya. Bukod dito, tumaas din ang timbang niya dahil sa labis na pagkain ng kung anu-anong pagkain. Dahil dito, napansin niyang hindi na maganda ang epekto ng kaniyang mga bisyo sa kaniyang katawan. Wala na rin siyang naiipon na pera kahit matagal na siyang nagtatrabaho. Malaki sa kaniyang sweldo ay ipinapadala sa kaniyang pamilya sa Pilipinas habang ang natitira naman ay napupunta lang sa kaniyang mga bisyo.

Kaya naman napagisipan ni Neil na ipunin na lang ang perang natitira sa kaniya sa halip na gastusin ito sa mga bisyo. Bumili siya ng alkansiya at ang perang hindi niya ipinapadala ay iniipon niya rito. Kwento ni Neil, hindi raw madali ang desisyon niya lalo na noong una dahil 21 na taon na siyang naninigarilyo. Totoong mahirap iwanan nang basta-basta ang mga nakasanayan na pero dahil sa disiplina at pagtitiyaga ni Neil na magbago, nakayanan naman niya ito.

Matapos ang tatlo at kalahating taon ng pag-iipon, napagisipan niyang buksan na ang alkansiya at bilangin kung magkano na ang kaniyang naipon. Laking tuwa at gulat ni Neil nang malamang umabot na sa higit isang milyon ang halaga ng kaniyang mga naipon. Bukod sa mas malusog na siya ngayon, mayroon pa siyang pera na naitabi mula sa kaniyang pagtatrabaho. Agad namang nagdesisyon si Neil kung paano niya gagamitin ang pera. Ayon sa kaniya, nakapagpatayo siya ng bahay at nakabili ng motor. Hindi rin niya nakalimutan na magbigay sa simbahan at sa mga nangangailangan.

Inspirasyon at katibayan si Neil na kung talagang gugustuhin natin ang isang bagay, maaabot natin ito basta’t may tiyaga at disiplina sa sarili.

error: Content is protected !!