Connect with us

Entertainment

Tinaguriang Honest Farmer ng Benguet Nagsauli ng Bag na Naglalaman ng Limpak-limpak na Salapi

Alam ng lahat kung gaano kahirap ang buhay lalo na noong dumating ang COVID-19 pandemic. Marami ang nawalan ng trabaho at ang iba naman ay humina o talagang nawalan ng negosyo. Kaya naman maraming tao, bata man o matanda ay nagsusumikap na maghanap ng mapagkakakitaan. Nakakalungkot ring isipin na may ibang taong walang magawa kundi ang kumapit sa patalim upang mabuhay araw-araw. Ngunit, mayroon din namang iilan na pinipilit na mamuhay nang tama at marangal.

Isa na rito si Mando Baniwas Alonzo, isang magsasaka sa probinsya ng Benguet. Ayon kay Mang Mando, pasko noong nakaraang taon nang makita niya ang isang bag sa Sitio Sayatan, Baayan. Nakita nyang naglalaman ang bag ng ilang ID at pera na nagkakahalagang ₱133,800.77.

Photo credits: Facebook

Para sa iba, napakalaking halaga na ng pera na ito na maaaring bumuhay sa kanila ng ilang buwan. Para naman sa ilan, sapat na ang perang ito upang makapaghanda ng Noche Buena. Ngunit sa halip na itago ito ni Mang Mando, mas nangibabaw ang kaniyang kabutihang-loob. Kaya naman agad na dinala ni Mang Mando ang bag sa Tublay, Benguet Municipal Police Station.

Talaga nga namang napakabuti ni Mang Mando. Ayon sa kaniyang salaysay, hindi siya nagdalawang-isip na isauli ang nawawalang bag sapagkat inisip niya ang pag-aalala ng totoong may-ari ng pera. Agad din namang nahanap ang may-ari na pinangalanang si Roger Bai Santiago. Ayon kay Roger, hindi na niya inaasahang maibabalik ang pera pero laking pasasalamat niya na may mabuting puso na nagbalik nito.

Photo credits: Facebook

Labis rin ang paghanga ng mga kapulisan pati na rin ng mga netizens kay Mang Mando. Dahil dito, tinagurian siyang Honest Farmer. Ibinahagi rin ng mga netizens ang kanilang paghanga sa katapatan ng simpleng magsasaka.

Ayon pa nga sa ilang netizens, saludo sila kay Mang Mando dahil mas pinili niyang maging matapat sa panahong maraming nananamantala ng iba. Sinabi rin ng ilan pang netizens na isang ehemplo si Mang Mando ng pagsasabuhay ng totoong diwa ng pasko.

Totoo nga na isang mabuting halimbawa si Mang Mando para sa ating lahat. Isa siyang inspirasyon na mayaman man o hindi, lahat ay dapat maging mabuti at matapat sa isa’t isa.

error: Content is protected !!