Connect with us

Entertainment

Estudyanteng Dating Namamasukan Bilang Kasambahay, Isa na Ngayong Ganap na Pharmacist

Dahil sa kahirapan ng buhay, maraming kabataan ang nagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral upang makakuha ng magandang trabaho at magkaroon ng komportableng buhay. Ngunit hindi rin ganoon kadaling makapagtapos ng pag-aaral. Maraming mga pagsubok ang nararanasan ng mga estudyante. Una na diyan ang kakulangan sa perang panustos sa mga pangangailangan sa eskwelahan.

Marami ring nagsasabi na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng tagumpay kaya naman ang mga kabataan ngayon ay gumagawa ng iba’t ibang paraan upang matustusan ang kanilang pag-aaral. Karamihan ay naghahanap ng trabaho sa mga fast food restaurants o sa iba pang mga establisyimento. Iilan naman ang nagbubukas ng sarili nilang maliit na negosyo at ang iba naman ay namamasukan bilang mga kasambahay.

Photo credits: GMA

Ito ang kwento ni Joanna Griño mula sa Sorsogon. Ayon kay Joanna, alam niyang wala siyang mararating sa buhay kung hindi siya aalis sa Sorsogon. Mahirap ang kanilang buhay sa probinsya at may posibilidad na hindi siya kayang pag-aralin ng kaniyang mga magulang. Isinalaysay ng isa sa mga kapatid ni Joanna ang hirap ng kanilang buhay,

“’Yung ultimo po asin, pisong asin, uutangin pa namin sa kapitbahay, ultimo isang pirasong sibuyas or bawang na panggisa.”

Photo credits: GMA

Dahil dito, nakiusap siya sa kaniyang ate na may magandang trabaho sa Maynila. Sinabi ni Joanna na gusto niya ring mag-aral sa syudad at handa siyang tumanggap ng kahit anong trabaho. Kalaunan, namasukan nga si Joanna bilang katulong habang siya ay kumukuha ng kursong Pharmacy. Pagkain at bahay ang binibigay ng kaniyang amo samantalang tuition fee naman ang binibigay ng kaniyang ate.

Photo credits: GMA

Lalong nagsumikap si Joanna dahil determinado siyang makapagtapos. Ngayon nga ay nagbunga na ang lahat ng kaniyang paghihirap at sakripisyo. Nakapagtapos na siya sa kolehiyo at isa na ngayong ganap na Pharmacist. Ayon nga sa kaniya, “Hindi habang buhay ganito ‘yung sitwasyon ko. Kumbaga po kahit sobrang hirap gagawin ko at gagawa ako ng paraan para ma-push ‘yung pangarap at natupad ko naman po, pharmacist na po ako ngayon.”

Makikita rin na nasa pamilya na ni Joanna ang pagiging masikap at determinado na gumanda ang buhay. Katulad ni Joanna, unang naging working student at full scholar sa isang magandang unibersidad ang kaniyang ate na siyang tumulong sa kaniya upang makapagtapos. Ngayon naman, plano ni Joanna na tumulong sa pag-aaral ng kaniyang nakababatang kapatid.

error: Content is protected !!