Entertainment
Lolo, Hinangaan ng mga Netizens Matapos Makitang Matiyagang Pinapayungan ang Apo na Sumasagot ng Module sa Isang Lugar kung Saan Doon lang may Signal

Dahil sa pandemiya, nagkaroon ng malaking pagbabago sa ating edukasyon. Hindi na ito kagaya ng dati na pumapasok tayo sa paaralan upang mag-aral bagkus ngayon ay nananatili na lamang tayo sa ating mga tahanan upang maipagpatuloy ang ating pag-aaral. Dito na nagsimula ang tinatawag nating modular at distance learning, kung saan ang edukasyon ay nasa loob na ng tahanan kasama ang mga magulang.
Kamakailan lamang ay nag-viral ang post na larawan ng isang guro, ito ay tungkol sa isang Lolo at isang estudyante na ginagawa ang lahat upang makasagot lamang ito ng module. Lumilipas na lamang ang bawat araw at malapit na namang matapos ang school year sa panahong ito, tila wala paring nangyayaring pagbabago sa sistema ng edukasyon ngayon. Kung kaya’t post na ito ng isang guro ay napansin ng maraming netizens.
Kinikilala ang gurong ito bilang si Jorge Tejada isang Senior High School teacher. Ayon kay Teacher Jorge, nakita niya umano ang mag-Lolong ito sa isang liblib na lugar sa pagitan ng Barangay Genitligan, Baras at Dororian, Gigmoto Catanduanes. Naabutan niya ang mag-Lolo na nakaupo, habang sumasagot ng module ang kanyang apo at ang Lolo naman na ito ang matiyagang nagpapayong sa kanyang apo. Ang mag-Lolong ito ay sina Arnulfo Teves 71 taong gulang at ang kanyang apo na si Daniel 12 taong gulang isang Grade 7 student.
Dahil mahina umano ang signal at pahirapan din ang kuryente sa kanilang lugar, ginagawa nila ang lahat upang makapag-aral. Kaya nagtitiis na lamang sila sa ilalim ng init at ulan, upang makasagap lamang ng signal at makasagot lang sa kanyang module ang bata. Ayon pa kay Teacher Jorge, “Bagamat Medyo umaambon at mahangin sa lugar, hindi natitinag ang dalawa para matapos masagutan ang module ng apo”.
Kinausap ni Jorge ang Lolo upang humingi ng pahintulot para sila kunan ng larawan at maipost ito sa social media at agad namang sumangayon ang matanda upang maipaalam sa kinauukulan kung gaano kahirap ang signal sa kanilang lugar sa Catanduanes.
Dagdag pa ni Teacher Jorge, “Agad naman siyang tumango sabay sabi ng: ‘ipost mopo Sir, para malaman nila kung ano ang sitwasyon natin dito sa Catanduanes, pahirapan ang signal ng selpon.”
Sa isa namang panayam sa mag-Lolo ng “Bayan Mo, Ipatrol mo kay Lolo Arnulfo, tinitiis di-umano ng mag-Lolong ang paglalakad ng 30 minuto mula sa kanilang bahay papunta sa lugar na iyon dahil sa pagkakaroon nito ng malakas na signal. Sinabi rin na mag-Lolo na araw-araw silang pumupunta sa nasabing lugar.
“Tinitiis nilang maglakad ng 30 minuto mula sa kanilang bahay papunta rito dahil malakas ang signal dito para magamit sa pagri-research ng apo.”
At wala pa silang kuryente, kaya naman sila ay nakiki-charge na lamang sa may generator sa halagang Php 15.00.
“Tapos walang kuryente dito sa amin, magpacharge ka, 15 ang singil kung magpapacharge ka doon sa may generator”, aniya pa ng Lolo.
Payahag pa ng Lolo na binubuhay niya ang kaniyang isang anak na isang PWD at tatlo nitong apo. Dagdag pa niya, pinipilit nilang ipagkasya ng kanyang asawa ang natatanggap nila na pension na nagkakahalaga ng 5,300 pesos kada buwan para sa kanilang pamilya.
Pagtatapos pa na mensahe ni Teacher Jorge, sa hirap ng sitwasyon ngayon ay kailangang kayanin para sa magandang kinabukasan ng bawat mag-aaral.
“Mahirap. Oo mahirap. Pero kailangan natin dahil may mga bata rin pilit kinakaya ang mahirap ba Sistema at kondisyon na meron tayo”.
