Kilalanin si Hashim Alawi, ang Gwapo at Mapagmahal na Kapatid ng Aktres at Vlogger na si Ivana Alawi

Ilang taon na nating hindi napapanood sa telebisyon ang aktres na si Ivana Alawi matapos ang huli niyang teleserye na “Sino Ang Maysala? Mea Culpa”. Ngunit, hindi naman nagkukulang ang aktres na magbigay ng update sa mga kaganapan sa kanyang buhay. Mas lalo ngang nakilala ng publiko si Ivana sa kanyang mga nakakatuwa at puno ng inspirasyong vlog na mapapanood sa kanyang Youtube Channel.

Sa kanyang angking ganda nga, ay talagang hinahangaan ang actress-vlogger ng publiko, samahan pa nga ito ng kanyang napakabuting puso at pagiging bukas palad sa mga mahihirap. Isa nga si Ivana sa pinakasikat na personalidad sa online world na milyon-milyon na ang mga tagahanga.

Samantala, hindi lamang nga si Ivana ang nagbibigay saya sa kanyang vlog dahil kasama rin niya ang kanyang dalawang kapatid na si Mona at Hashim, kasama rin ang kanyang Mommy Fatima. Unang ipinakilala ni Ivana ang kanilang bunso na si Mona sa kanyang vlog na talaga namang agad na pinusuan ng mga netizens. Hindi naman ito nakapagtataka dahil katulad ni Ivana, ay napakaganda rin ni Mona, at may talento rin sa pagbibigay saya sa mga manonood.

Hindi rin naman siyempre magpapahuli ang looks ng gwapong Filipino-Moroccan na si Hashim, na umagaw rin ng atensyon ng mga netizens. Sa unang tingin nga, ay tila tahimik si Hashim ngunit pagbubunyag ni Mona at Ivana, ay sadyang masayahin at palabiro ito pag hindi nakaharap sa camera. Hindi lamang ito halata dahil camera shy umano ang kanilang Kuya Hashim.

Bagama’t, mahiyain nga sa harap ng camera, ay hindi naman matatawaran ang pagiging isang mabuti at mapagmahal na kapatid nito sa kanyang mga kapatid. Makikita nga na talagang ginagawa ni Hashim ang abot ng kanyang makakaya para mapasaya ang kanyang mga kapatid.

Si Hashim ang klase ng tao na hindi mahilig pag-usapan ang kanyang pagkatao, ngunit hindi naman maikakaila ang pagiging supportive, maunawain, mahinahon at cool na tao sa mga taong nakapaligid sa kanya, lalo na sa kanyang pamilya. Ang kanyang dalawang babaeng kapatid nga, ay labis niyang iniingatan at prinoprotektahan. Sa katunayan nga nito, ay sinabi ni Hashim sa isang video, na kahit kailan ay hindi niya magagawang manloko ng babae, dahil ayaw niya ring gawin ito sa kanyang mga kapatid na babae.

“Ba’t ako magche-cheat? Mga kapatid ko babae. Ba’t ko gagawin sa iba kung ayaw kong mangyari sa kapatid ko?”

Pagdating rin sa pagsuporta sa mga nais gawin ng kanyang mga kapatid, ay matindi rin ang ipinapakitang suporta ni Hashim. Katulad na lamang nga ng pagbibigay niya ng pahintulot sa madalas na pagbabahagi ng sexy photos ni Ivana sa social media. At higit sa lahat, ay palagi siyang nakasuporta sa pangarap ng kanilang pamilya.

Napakapalad naman talaga ng magkapatid na Ivana at Mona, dahil may kapatid silang kagaya ni Hashim na bukod sa gwapo, ay isang napakabuti at mapagmahal na kapatid.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *