Sa krisis na kinakaharap ng mga tao ngayon lahat ng paraan ay ginagawa ng iba upang magkaroon lamang ng pera. Dulot na rin ito ng matinding pangangailangan ng mga tao, kung kaya’t ay iba ay kumakapit na lamang sa mga hindi magandang gawain.
Ngunit sa kabilang banda mayroon pa rin namang mga taong gumagawa ng mabuti sa kabila ng kahirapan ng buhay ngayon.
Kagaya na lamang ng kwento ng isang lalaki na nagpamalas ng kaniyang katapatan sa kabila ng kahirapan na kaniyang pinagdaraanan. Ang lalaking ito ay naka-pulot ng isang bag na naglalaman di-umano ng malaking halaga na mga alahas.
Ang lalaking ito ay si Ener B. Rojo, na nagtatrabaho bilang isang job order sa isang engineering department sa Kapitolyo ng Camarines Norte. Ang nasabing lalaki ay nakatira sa Barangay 3 Daet Camarines Norte.
Ayon sa salaysay ni Ener, may napansin siyang di-umano na isang bag sa labasan ng lotto outlet na kaniyang pinuntahan at agad niya naman itong kinuha. Kaya agad rin niya itong dinala sa tanggapan ng PNP sa Camp Wenceslao Q. Vinzons, Bragy. Dogongan, Camarines Norte. Ito ay upang maisauli sa may-ari, dahil na rin sa pangamba niyang baka hinahanap na rin ito ng may-ari at hindi niya naman kilala kung sino ito kaya mas minabuti niyang dalhin na lamang ito sa tanggapan ng pulis.
Ayon sa tanggapan ng PNP Camp Wenceslao personal na dinala ni Ener ang napulot niyang bag at doon na nila tiningnan ang laman nito.
Laking gulat nila na naglalaman ito ng mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng mahigit Php800,000. Mas pinili ni Ener na isauli ang kaniyang napulot na bag upang maibalik ito ng personal sa may-ari ayon sa PNP Provincial Director ng Camarines Norte na si PCol Marlon Tejada.
Hindi nagtagal naibalik rin sa may-ari ang napulot na bag ni Ener, ang may-ari ng bag na ito na si Mrs. Arceli Apolinario isa ng senior citizen at residente rin pala ng Camarines Norte.
Lubos ang kaniyang pasasalamat kay Ener dahil sa naging katapatan nito na maibalik sa kaniya ang kaniyang bag na punong-puno ng mga mamahaling alahas. Kaya bilang gantimpala ay ginawaran niya si Ener ng Php20,000 bilang kaniyang pabuya sa pagiging matapat nito.
Labis rin ang pasasalamat ni Ener sa kaniyang naging pabuya dahil malaking tulong ito para sa kaniyang pamilya.
Ginawaran rin si Ener ng parangal ni PCol Marlon Tejada para sa kaniyang nagawang katapatan. Tunay ngang si Ener ay isa sa mga good Samaritan kahit sa simpleng paraan. Ang kaniyang katapatan ang nagpapatunay na kahit gaano man kahirap ang buhay ay hindi pa rin dapat gumawa ng masamang bagay.
Nararapat pa rin na pairalin ang kabutihan sa puso ng bawat isa. Kaya naging inspirasyon sa mga maraming netizens ang kaniyang ipinakitang kabutihang-loob.