Stories
Isang Binata ang nagbisikleta Lang mula Parañaque City Hanggang Eastern Samar sa Kagustuhan na Makauwi sa Kanilang Bahay

Dahil sa nangyaring pandemiya ngayon marami ang nawalan ng trabaho. Pati na rin ang pag-uwi ng mga tao sa kanilang mga tahanan ay naapektuhan na rin. May isang binata ngayon ang nag-viral dahil sa kaniyang pagbibisekleta na inabot ng sampung araw upang makauwi lamang sa kanilang bahay sa Eastern Samar.
Ang binatang ito ay si Peter Roncales na 19 na taong gulang. Ayon sa kaniya siya ay nagtatrabaho sa Metro Manila ngunit ng dahil sa pandemiya nawalan siya ng trabaho. Kaya napilitan siya umuwi na lamang sa kanilang lugar sa Oras, Eastern Samar.
Ngunit hindi naging madali ang kaniyang pakikipag-sapalaran dahil pagkatapos niyang mawalan ng trabaho naubos din ang kaniyang pera. Dahil wala na siyang trabaho wala na rin siyang aasahang kita para sa pangtustos niya sa kaniyang mga pangangailangan sa bawat araw at para na rin sa kaniyang pamilya na nasa Eastern Samar.
Dahil na rin sa kakapusan sa pera hindi niya nagawang bumiyahe pauwi.
Kaya nagdesisyon na lamang siya na magbibisekleta na lamang siya mula sa kaniyang tinutuluyan sa Parañaque papunta sa Samar.
Ang kaniyang paglalakbay ay inabot ng sampung araw, dahil na rin sa determinasyon niyang makauwi sa kanila tiniis niya ang pagod. Halos 1,000 kilometro ang kaniyang nilakbay hanggang sa naabutan siya ng checkpoint sa may Taft border.
Ayon sa isang frontliner na nagbahagi ng kaniyang mga larawan sa social media na si Christian Evardone,
“Naawa ako. [Naiyak] na lang siya. [Pagod] na pagod siya nang dumating sa checkpoint at basa dahil sa ulan kagabi. ”
Naawa siya sa naging kalagayan ni Peter ng dahil sa kagustuhan niyang makauwi ay nagawa niyang bumiyahe gamit lamang ang kaniyang bisikleta.
Dagdag pa niya, hindi niya lubos akalain na inaabot si Peter ng sampung araw sa kaniyang paglalakbay na may kasamang init at ulan. Namangha rin siya sa determinasyon ni Peter na kahit wala na siyang perang pamasahe pauwi ay nakagawa pa rin siya ng paraan. Dahil nga naabutan si Peter ng checkpoint, siya ay dinala na lamang sa quarantine facility upang doon na lamang siya muna mamalagi hanggang dumating ang araw na pwede na siyang makauwi sa kanila.
Ang lungkot man isipin na dahil sa naging kawalan ng trabaho ng mga tao ngayon ay nagdudulot ito ng pagsasakripisyo sa kanila. Mabuti na lang may mga tao pa rin na lubos na tumutulong sa mga taong tunay na nangangailangan.
