Naging emosyunal ang aktres na si Ryza Cenon matapos isilang ang kanyang panganay na anak. Hindi akalain ng aktres na magiging isang ganap na ina siya sapagka’t hirap umano siyang makabuo, ngunit noong ika-31 ng Oktubre, ay ipinagkaloob sa kanila ng kanyang partner na si Miguel Antonio Cruz ang isang malusog na baby boy na pinangalanan nilang Baby Night.
Isinilang ni Ryza si Baby Night sa St. Lukes Medical Center via normal delivery. At nang masiyalan ni Ryza ang kanyang anak, ay walang pagsidlan ang kanyang nadaramang kaligayahan. Maging ang pagod at hirap na naranasan sa paglalabor, ay napawing lahat nang makita ang kanyang napakacute na anak.
At bilang isang first time mom ay hindi maikakaila na proud na proud si Ryza sa kanyang anak. Kamakailan nga, ay proud na ibinahagi ni Ryza sa Instagram ang mga larawan ng napakacute at adorable niyang anak.
Ang mga larawan na kuha sa photoshoot ni Baby Night, ang kauna-unahang larawan na ibinahagi ni Ryza, kung saan masisilayan ng malapitan ang napakacute at maamong mukha ng sanggol. Kahanga-hanga naman ang ganda ng kuha ng bawat larawan na binigyang katuparan ng Nice Print Photography.
Ang nasabing post ng aktres, ay nilakipan naman ng caption na:
“Our life, our light, our Night. We love you.”
Samantala, hindi naman napigilan ng mga netizens na hangaan at panggigilan ang napakacute na si Baby Night. Inulan nga ng komento ng paghanga at sangkaterbang likes ang post ni Ryza.
Matatandaan naman minsan na nang ibinahagi ni Ryza, na nawalan na siya ng pag-asa na mag-anak pa dahil umano sa pagkakaroon niya ng inverted uterus, dahilan kung bakit hindi siya agad nabubuntis at hirap makabuo.
“Nawalan na ako ng hope na magkakaanak ako, eh. Inverted po kasi ‘yung uterus ko, so hindi po ako basta-basta makakabuo. Meron palang pag-asa, may hope pala basta huwag ka lang mag-give-up. Kaya ko palang maging isang ina.”
At nang mailabas at masilayan ang anak ay labis ang kanyang kaligayahan kung saan ay talagang napaluha siya.
“Yung feeling na nailabas mo siya. Kasi nag-i-struggle na po talaga ako noon, kasi one-hour delivery na po siya at pagod na pagod na po ako tapos umiiyak na ako. Sabi ko, ‘Ayoko na, ayoko na.’ Pero kinaya ko para sa kanya.”