Stories
Nakakabilib ang Isang Asong Nakumpleto ang Pagsisimbang Gabi

Ang simbang gabi ay isa sa mga pagdiriwang na ginaganap tuwing naghahanda tayo sa pagsapit ng kapaskuhan. Ang kwento nga ng iba, kapag nakumpleto ang siyam na misa de gallo ay matutupad ang bawat hiling. Kaya nakakamangha na hindi lang pala tayong mga tao ang naghahanda sa pagsapit ng kapaskuhan.
May isang aso ang nag-viral sa social media dahil sa pagsisimba nito tuwing simbang gabi. Siya ang asong si Bukoy na taga Ormoc City. Ang amo ng asong si Bukoy ay nagsisimba tuwing simbang gabi. Ayon sa kanila, hindi nila namamalayan na sumasama pala ito sa kanila sa loob ng simbahan. Ang amo ni Bukoy ay nakapwesto sa unahan na mga upuan samantalang si Bukoy ay nasa bandang likuran pumupuwesto kaya hindi nila ito talaga napapansin.
Napansin na lamang ng pinsan ng amo ni Bukoy na si Maria Dayde Laude, na madalas na niya itong nakikita sa loob ng simbahan simula nung nagsimula ang simbang gabi at nauuna pa itong dumarating sa kaniyang amo.
Kaya kinukuhaan niya ito ng larawan sa bawat misa. Ibinahagi niya sa kaniyang facebook account, ang nakunan niyang larawan ni Bukoy tuwing simbang gabi. Hanggang sa nalaman ng may-ari na sumusunod pala papuntang simbahan ang kanilang aso upang magsimbang gabi.
Talagang napamangha si Maria sa ginawa ni Bukoy dahil tahimik lamang itong nakikinig sa pari habang nagmimisa hindi kagaya ng ibang aso na labas pasok sa loob ng simbahan. Ayon pa sa kaniya, dati ay sumasama na talaga ito sa kaniyang amo sa tuwing nagsisimba ngunit sa ilalim lamang ito ng upuan pumupuwesto.
Ngunit ngayon sa pagdaraos ng simbang gabi, ay nasa gitna na ito sa may bandang likuran na animo’y taimtim na nagdarasal na parang tao. Ang hinala ni Maria na ipinagdarasal ni Bukoy ay sana maayos na ang problema ng kaniyang amo tungkol sa lupa na kinatatayuan ng kanilang bahay.
Kaya maraming mga netizens ang namangha at naaliw sa kaniya. Kagaya na lamang ng mga komentong ito.
“Wow! Ang bait ng aso. Siguro yung amo niya nagsisimba gabi-gabi kaya pati siya ngsisimba na rin. Good!”
“Buti pa si Bukoy nakumpleto niya iya simbang gabi. Lupigan ko [Talo ako.].”
Ang amo ni Bukoy ay nakatanggap din ng papuri dahil sila ang naging dahilan kung bakit pumupunta ang kanilang alagang aso upang magsimba at makumpleto ang simbang gabi. Hayop man na maituturing si Bukoy mas tao naman siya makiramdam at mag-isip. Nawa’y maging inspirasyon si Bukoy para sa lahat.
