Entertainment
Alamin ang Sikreto ng Isang Mommy kung Paano niya naba-budget ang P20,000 Monthly Income ng Kanilang Pamilya

Maliban sa pag-aalaga ng mga bata, isa rin sa tungkuling nakaatang sa balikat ng mga ilaw ng tahanan ay ang tamang paghawak ng pera ng pamilya o tamang pag-budget. Magmula nga sa pang-araw-araw na konsumo sa pagkain, pagbabayad ng bills hanggang sa pag-iipon ng pera ay dapat nakalagay sa ayos.
Ngunit, paano nga ba ang tamang pagbudget sa perang kinikita kada buwan?
Isang ilaw ng tahanan ang nagbahagi ng kanyang sikreto kung paano mapagkasya ang perang kinikita para sa kanilang pamilya. Ito nga si Mommy Isabel na kabilang sa mga nanay na nagsusumikap na maging masinop, at dahil sa hirap kumita ng pera lalo na ngayong panahon ng pandemya, ay talagang ginagawa niya ang lahat upang mapagkasya ang perang kinikita.
Nagbigay si Mommy Isabel ng 5 tips na maaaring makatulong sa pagba-budget ng pera ng pamilya.
1. Importante na meron kayong ledger ng expenses
Si Mommy Isabel ay gumamit ng Excel Sheet upang itala ang pumapasok at lumalabas na pera. Mas madali umano ang excel dahil automatic na ang computation dito. Ngunit, kung walang excel ay maaari ring gumamit ng notebook upang itala ang mga gastosin tulad ng mga bills. Mahalaga na may hawak na listahan upang malaman kung saan napupunta ang pera.
2. Mag-budget at least isang buwan bago dumating ang income
Mahalaga rin na kahit wala pa ang income sa ating mga kamay, ay pinaghandaan na ang pag-budget dito.Mayroong tinatawag na fixed expenses tulad ng bills, mortgage, insurance at education. Kaya naman, malaki ang maitutulong nito para malaman kung magkano ang halaga ng bawat bayarin. At kung ang income nga ay P20,000, at ang naitalang expenses ay P10,000, dapat na mapagkasya ang P10,000 sa fixed expenses.
3. Magkaroon ng sistema sa monthly budget
Pagbabahagi ni Momny Isabel, ay wala umano silang aircon, TV at rice cooker na malakas humatak ng konsumo ng kuryente. Iiwas rin silang bumili ng maahaling brand. At kapag may iba naman namang dapat bilhin, ay sa grocery sila nagbabawas. Maging sa paggamit ng gasul sa pagluluto ay labis rin ang pagtitipid ni Mommy Isabel kung saan ay isang beses lang magluto sa isang araw kaya naman inaabot ng 3 buwan ang kanilang gasul.
At dahil sa pandemya, ay work at home ngayon ang kanyang asawa, kaya naman malaki ang natipid nila sa pamasahe. Ngunit, ang transportation fund ay napunta naman sa internet. Ang savings naman ay nakalaan para sa long-term goal. Samantalang ang emergency fund ay para naman sa hindi inaasahang pangyayari o sakuna.
Importante rin na may nakalaang budget para sa health insurance. Ito ay nakakagamit nila sa monthly check up at hospital bills. Malaking tulong rin raw ang pag-breast feed niya sa kanyang anak dahil hindi na nila kailangang bumili ng gatas. Wala rin silang binabayarang upa para sa bahay,at wala ring binabayarang tuition fee dahil sa public niya inenroll ang kanyang panganay na anak. At dahil nga, sa bahay lang nag-aaral ang mga estudyante ngayon, ay malaki ang natipid nila sa baon at pamasahe. Kaya naman, ang educational fund, ay napunta sa birthday fund na kahit cake, pancit at ice cream ay makakabili.
4. Iprioridad ang needs vs. wants
Mahalaga rin na malaman kung ano ba ang higit na kailangan bilhin kaysa sa gusto lamang. Dahil nga, usong-uso ngayon ang mga online shopping o e-commerce websites, mahalaga na iwasan muna ito upang makatipid.
5. Maging wais sa lahat ng bagay
Ang pagpili ng magandang kalidad ng bagay na bibilhin ay malaking tulong rin upang makatipid. Ito nga ay ang pagbili ng mga bagay tulad ng appliances na kung saan ay magagamit ng pang matagalan. Maging ang pagbili ng malakihan o maramihan ay malaking tipid rin.
Ang tamang paghawak ng pera o pag-budget ay importanteng bagay na maaaring ipamana sa mga anak. Dahil maaari nila itong magamit sa kanilang paglaki at sa pagbuo ng sariling pamilya. Mahalaga rin na malaman ng ating mga anak na ang bawat salaping kinikita ay pinaghihirapan kaya naman dapat lamang itong pahalagahan.
