Si Marilou Yap Gumabao o mas kilala bilang Isabel Rivas ay isang aktres at matagumpay na negosyante. Kilala rin siya bilang nakakabatang kapatid ng dating aktor na si Dennis Roldan (Mitchell Gumabao), na ama ng mga aktor ding sina Marco at Paolo Gumabao at ng beauty queen at former volleyball player na si Michele Gumabao.
Patuloy na namamayagpag ang karera ni Isabel sa showbiz bilang isang sikat na artista. Maging ang kanyang mga negosyo ay umaarangkada rin. Dahilan upang ituring siya bilang isa sa pinakamatagumpay na aktres sa industriya.
Ngunit, lingid sa kaalaman ng marami, ay hindi pala maganda ang naging nakaraan ni Isabel. Ito nga ay dahil sa isang nakakalungkot at mapait na karanasan.
Ibinunyag nga ni Isabel na noong sanggol pa lamang siya, ay ipinamigay na siya ng kanyang sariling ina sa kapatid nitong walang anak kung kaya’t lumaki siya sa Zambales. Samantala, Gumabao rin ang apelyido ni Isabel ngunit, dahil nga legal ang pagkakaampon sa kanya ay Yap ang ginamit niyang apelyido.
Sa panayam nga ng pep.ph, ay ibinahagi ng aktres ang kwento ng kanyang buhay na mala-MMK o kaya naman, ay pwede ring ipalabas sa Magkailanman.
Ayon nga sa aktres, ay tapos na ang sama ng loob na kanyang natamo sa mahabang kwento ng buhay niya. Ito nga ay dahil napagtanto niya na kung hindi ito nangyari ay wala siya sa kinatatayuan niya ngayon.
“Mahabang teleserye ang kuwento ng buhay ko, pero tapos na ang sama ng loob ko dahil na-realize kong ganito ako ngayon dahil sa mga nangyari sa akin noon.”
Ito rin ang dahilan kung bakit naging mas matatag siya sa buhay kung saan ay nagsumikap siya upang marating ang kinaroroonan niya ngayon. Ayon nga kay Isabel, nagsumikap siya dahil naramdaman niya kung gaano kahirap ang ipamigay ng sariling magulang.
“Kaya ako matibay, matapang, may paninindigan. Nagsumikap ako kasi nakita at naramdaman ko kung gaano kahirap ang ipamigay ng magulang.”
Pagbabahagi naman ni Isabel, naging pampalubag-loob rin umano siya ng sarili niyang ina sa kapatid nito. Ito nga ay dahil tulong ng tulong ang mga kapatid ng kanyang biological mother rito, ngunit nang manganak ang kanyang ina, ay hindi na umano ito tinulungan pa ng mga kapatid. Kung kaya’t, ang nangyari ay ipinamigay siya ng sariling ina sa kapatid nito, upang matulungan itong palakihin siya.
“Ito na lang ang tulong na gagawin ko sa ‘yo. Kapag babae ‘yang nasa tiyan mo, ibigay mo sa akin, palalakihin ko.”, saad umano ng kapatid ng kanyang ina.
Sa simula’t sapul, ay alam rin ni Isabel na siya’y ampon lamang sapagkat pumupunta umano sa bahay nila ang kanyang tunay na ina kasama ang kanyang mga kapatid. Katunayan nga nito ay “Mommy” ang tawag niya sa kanyang tunay na ina, at “Mama” naman sa kanyang adoptive mother.
“All my life, alam ko na siya ang tunay na nanay ko dahil pumupunta siya at saka ang mga kapatid ko sa Zambales kapag holiday, Christmas season, summer vacation.
Alam ko na kapatid ko sila, alam ko na mommy ko siya. Mommy’ ang tawag ko sa kanya at ‘Mama’ ang tawag ko sa adoptive mother ko.”
Samantala, nang magkaroon naman ng pagkakataong tanungin ni Isabel ang tunay na ina sa rason kung bakit siya ang ipinamigay sa apat na magkakapatid, ay nasaktan siya sa naging kasagutan nito. At sa edad na 9 na taong gulang, ay nagmarka ito sa kanya.
“Masakit ang mga sagot. Ang sagot ng nanay ko, ‘You’re the ugliest of them all.’ Siguro, nine years old na ako nang sabihin niya sa akin ‘yon. Markang-marka sa akin ‘yon, sobra.”
Bago naman sumakabilang-buhay ang kanyang tunay na nina noong 2009, ay nagkaroon sila ng pagkakataong makapag-usap at magkapatawaran.
“Pero bago siya namatay noong 2009, lumuhod siya sa akin, humingi siya ng tawad sa akin.”
Sa huli nga ay nangibabaw pa rin ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. At ang dalawang puso na nagkaroon ng lamat, ay nauwi rin sa pagpapatawad at pagkakaunawaan.