Tiyak na marami sa atin ang napasabay ng pagsayaw sa mga kahanga-hangang dance moves ng sikat na all boys dance group noong dekada 90 na Streetboys. At isa nga sa mga miyembro ng Streetboys na ating hinangaan ay si Spencer Reyes.
Ipinamalas ni Spencer ang kanyang husay hindi lamang sa pagsayaw, kundi pati na rin sa pag-aartista kung saan ay nagkaroon pa siya ng mga pelikula. Ngunit, agad namang nagwakas ang karera ni Spencer sa showbiz at tinahak ang ibang landas.
Noong nakaraang Mayo ay nakapanayam ng DZRH si Spencer, at napag-alaman na kasalukuyan pala siyang namamalagi sa Scotland kasama ang kanyang asawa at dalawang anak. Noong 2008, ay una silang nanirahan sa England, ngunit noong 2014 ay nagpasya si Spencer na lumipat sa Scotland upang doon na permanenteng manirahan kasama ang pamilya.
Sa nasabing panayam ay naikwento ni Spencer ang kanyang naging buhay sa ibang bansa. Ayon nga kay Spencer, ay hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan sa pagsisimula ng kanyang buhay doon. Nagsimula siya bilang isang nurse sa England, at naisipan ring mag-aral ng Electrical Engineering, Plumbing and Heating sa isang vocational school.
Ngunit, wala sa mga ito ang naging trabaho ni Spencer ng lumipat siya sa Scotland. Ito nga ay dahil mas pinili ng dating dancer na mag-apply bilang bus driver doon. Samantala, ibinahagi naman ni Spencer ang hirap na pinagdaanan bago makapasok bilang bus driver sa Scotland, sa dami ng mga pagsusulit.
“After that, pumasa ka dun. Then, nagka-idea ako…nakapasa ako as bus driver, hindi agad ako kinuha. Kailangan kumuha ako another license for bus. I need to study again for almost 6 months, review again. Kailangan maipasa mo yung hazard and theory, tapos another…almost 10 na online test na mapasa mo yun.”
Dagdag pa nga ni Spencer, kapag hindi naipasa ang mga pagsusulit, ay hindi rin magiging bus driver. Mas mabuti rin raw kung matalas ang memorya upang agad makabisado ang mga pasikot-sikot.
Proud namang ibinahagi ni Spencer, na malaki ang perang kinikita niya sa pagiging isang bus driver. Kaya naman, napakapalad niya dahil sa hirap makapasok at kakaunti lamang anh nabibigyan ng pagkakataong mkapagtrabaho bilang bus driver. Sa katunayan nga nito, ay iilan lamang ang mga Asyanong nakakapasa at nakakapagtrabaho bilang bus driver sa ibang bansa.
Bukod nga rito, ay malaki rin ang naiaambag niya sa lipunan dahil nahahatid niya ang mga frontliners sa kanilang destinasyon sa panahon ng pandemya. Tinitiyak naman ni Spencer na ligtas siya sa kapahamakan sa tuwing naghahatid siya ng mga frontliners sa hospital.
“Essentials ako dito eh, nagda-drive ako ng bus. Kailangan ko magdala ng mga nurse sa hospital eh. Ako yung naghahatid ng mga nurse na nagtatrabaho sa hospital. Naka-mask, naka-PPE, makapal yung glasses ko.”
“Everytime na sumasakay ako…kasi yung bus namin merong wall na glass which is safe. Every ano…sina-sanitize yun eh..pati mga lahat hawakan,” pahayag ni Spencer.
Samantala, kahit abala sa kanyang trabaho bilang bus driver sa Scotland, ay palagi namang updated ang kanyang social media account sa mga kaganapan ng kanyang buhay para sa kanyang mga tagahanga. Makikita nga na sumasayaw pa rin siya upang mapasaya ang kanyang mga tagahanga.
Hindi rin nawala ang komunikasyon niya sa kanyang mga kaibigan na miyembro rin ng Streetboys, madalas nga silang magkamustahan sa Zoom kasama ang kanilang manager na si Direk Chito Rono.
Ngayon nga, ay masasabi na masaya ang dating dancer sa buhay na kanyang pinili dahil kasama nito ang kanyang pamilya. Malayo man sa Pinas, ay hindi naman nawawala ang pagmamahal niya sa larangang nagbigay sa kanya ng kasikatan noon, ang pagsayaw.