Sampaguita Vendor na Mala Artistahin ang Itsura nag Viral sa Social Media Matapos Makitang Nagtitinda ito kahit Dis Oras na ng Gabi

Usap-usapan ngayon sa social media ang isang sampaguita vendor dahil sa taglay nitong kagandahan na animo’y isang artista. Ngunit, hindi lamang maganda ang dalagang nagtitinda ng sampaguita kundi napakasipag rin nito, at inaabot pa ng alas onse ng gabi sa pagtitinda.

Hindi nga napigilan ng netizen na nagngangalang Honney RJ Balasabas, ang humanga sa angking kagandahan ng isang sampaguita vendor matapos itong makitang nagtitinda ng sampaguita sa daan. Ngunit, hindi naman mawala sa isip ni Honney ang pag-aalala na baka may magsamantala rito dahil inaabot umano ito ng alas onse ng gabi sa pagtitinda sa daan.




Ayon nga sa kwento ni Honney, ay kasalukuyan silang nasa bayahe ng kanyang asawang si Onnie noon. Ang kanyang asawa ay abala sa pagmamaneho, samantalang siya naman ay nakatuon ang mga mata sa cellphone habang nagpi-facebook. Nang bigla umano siyang tawagin ni Onnie, upang agawin ang atensyon para makita ang papalapit sa kanilang sampaguita vendor na sadyang may napakagandang mukha.

“Nay, tingin ka dali. Napakaganda ng batang ‘yan. ‘Yung papalapit,”saad ni Onnie sa kanya.

Photo credits: Honney RJ Balasabas | Facebook

Kaya naman, agad siyang nagkaroon ng interes, sapagkat bihira lamang magsabi ng maganda ang asawa niyang si Onnie. Dahil ang tanging maganda lamang sa paningin ng kanyang asawa ay siya at ang aktres na si Angel Locsin.

Nang mga oras na iyon, ay walang dalang salamin si Honney, kung kaya’t hindi niya gaanong masilayan ang mukha ng babae dahil madilim. Ngunit, sa pagbukas ng bintana ng sasakyan ng kanyang asawa, ay ganun na lamang ang kanyang pagkamangha sa napakaganda nitong mukha. Bagama’t madilim, ay hindi pinalampas ni Honney na makunan ng larawan ang sampaguita vendor kahit hindi ito nakatingin sa camera.

Ayaw sanang bilhin ni Onnie ang P100 na halaga ng sampaguita, ngunit dahil nga mapilit ang dalaga at nais din niyang makatulong ay binili na lamang niya ang paninda nito kahit hindi niya gusto ang amoy ng sampaguita.

Photo credits: Honney RJ Balasabas | Facebook

Samantala, naikwento rin ni Onnie na madalas niyang makita ang napakagandang sampaguita vendor sa daan kahit masama pa umano ang panahon at minsan pa nga raw ay inaabot ito alas onse ng gabi sa pagtitinda. Bagay na ikinabahala ng mag-asawa na baka may mag-take advantage rito lalo na sa panahon ngayon.

Kinabukasan, sa muling pagdaan ng mag-asawa sa lugar kung saan nagbebenta ng sampaguita ang dalaga, ay naroon na ito. Sa pagkakataong ito, ay malinaw ng nasilayan ni Honney ang kagandahan nito. Sa pagkakataong ito, ay humingi na ng permiso si Honney na makunan ito ng larawan. Pinaunlakan naman ito ng sampaguita vendor at nakangiting humarap sa camera.
Dahil nga talagang humanga si Honney sa taglay na kagandahan ng sampaguita vendor, ay nais rin niyang maging ligtas ito. Kaya naman, ang tanging panalangin niya ay sana’y may pamilya pa itong gumagabay sa kanya, o kaya naman ay may bantay habang nagbebenta ng sampaguita at may bahay na inuuwian matapos makapagbenta.




Samantala, maging ang mga netizens ay humanga rin sa angking kagandahan ng sampaguita vendor. At ang ilan nga ay humiling na sana ay madiskubre ito ng talent scout o kaya naman ay matulungan ng programang Kapuso Mo Jessica Soho, upang mabigyan ng pagkakataong sumikat at maging artista nang sagayon ay hindi na ito lumabas pa ng bahay upang magbenta ng sampaguita, lalo na ngayong panahon ng pandemya.