Robi Domingo, Ibinahagi Kung Gaano Siya Ka-proud sa Kanyang mga Magulang Bilang mga Frontliners

Ngayong panahon ng pandemya, ay marami sa atin ang nangangailangan ng tulong at serbisyo, lalo na sa usaping medikal upang masugpo ang pagkalat ng nakakahawang sakit na COVID-19. At sa tulong nga ng mga taong handang magsakripisyo at gawin ang kanilang tungkulin na pagsilbihan ang sambayanan, ay nagagawa nating labanan ang pandemya.




Sila nga ang magigiting nating mga kababayan na tinatawag na frontliners. Ang mga itinuturing na bayani ngayong panahon ng pandemya, na walang takot humarap sa mapanganib na sitwasyon upang tumulong at magligtas ng mga buhay. Kabilang na nga rito ang mga doktor, nurse at iba pang medical staff sa mga hospital at iba pang tao na matapang na humaharap laban sa panganib.

At kabilang nga sa mga tinatawag na frontliners ay ang mga magulang ng dating PBB Housemate at TV host na si Robi Domingo. Ang mga magulang ni Robi ay parehong doktor at pagdating ng pandemya sa bansa, ay magkahalong emosyon ang nararamdaman ng TV host para sa kanyang mga magulang.

Sa programang ‘Magandang Buhay’, ibinahagi ni Robi ang kwento sa pagiging frontliner ng kanyang mga magulang. Pagbabahagi nga ni Robi, ay doble ang takot na kanyang nararamdaman para sa mga ito. Ngunit, kahit anong pilit umano niya na pigilan ang mga magulang na pumasok sa kanilang trabaho ay mariing tumatanggi ang mga ito. At ang kadahilanan umano, ay ang pangako ng mga ito na tuparin ang tungkulin na tumulong sa mga nangangailangan.

Hindi na nga napigilan pa ni Robi ang kagustuhan ng kanyang mga magulang na tuparin ang sinumpaang tungkulin ng mga ito. Determinado at buong tapang na hinarap ng mga magulang ni Robi ang anumang panganib na kanilang kahaharapin.

Ang ina ni Robi ay naglilingkod ngayon sa SSS kung saan marami ang nais makakuha ng mga benefits. Kaya naman, malaki ang pagnanais nito na pumasok sa trabaho at magbigay serbisyo sa mga taong nangangailangan. Ang ama naman ni Robi, bagama’t wala sa COVID ward bilang doctor at nasa consultation lamang, ay nag-aalala parin siya para rito. Ang kanyang ama naman ay patuloy na pumapasok upang ipakita ang pagsuporta sa kapwa doktor na hindi nagsasawang magsakripisyo upang matulungan ang mga may sakit.




Sa naging panayam kay Robi, ay hindi naman maikakaila na proud na proud siya sa kanyang mga magulang sa tapang at determinasyon ng mga itong harapin ang hamon at panganib na kaakibat ng kanilang pagiging frontliner.

Ayon nga kay Robi, ay proud siya na ang kanyang mga magulang ay kabilang sa mga frontliner na handang tumulong sa mga nangangailangan.