Isa nga sa matagal ng pinapangarap ng Kapuso actress na si Sanya Lopez ay ang makapagpundar ng kanyang dream house. At kamakailan nga, ay masayang ibinahagi ng aktres na ang matagal na niyang pinapangarap na bahay ay kanya nang naisakatuparan.
Ngunit, bago pa man matupad ni Sanya ang pangarap na ito, ay hindi naging biro ang kanyang pinagdaanan. Pagbabahagi nga ng aktres, ay talagang malaki ang isinakripisyo niya para lang makamit ang pangarap. Maliban nga sa pagiging masinop, at nagkaroon rin ng disiplina sa sarili ang aktres kung kaya’t nakapag-ipon siya ng sapat na pera para sa kanyang dream house.
Nang makapanayam nga sa 24 Oras, ay ibinahagi niya kung ano ang mga ginawa niyang sakripisyo at pagtitipid upang agad maisakatuparan ang kanyang dream house. Ayon nga sa aktres ay hindi umano siya bumibili ng mga bagay na hindi naman niya kailangan.
“Hindi ako mahilig lumabas. Hindi ako mahilig bumili ng bags and shoes unless kailangan.”
Pagbabahagi naman ni Sanya, ay matagal na umano niyang pangarap magkaroon ng sariling bahay. Dahil nga, noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz bilang artista, ay naranasan umano niyang magpalipat-lipat ng tirahan. Maging ang matulog sa maliit na espasyo ng bahay, na pinaghahatian pa nila ng kanyang P.A ay naranasan din niya. Kaya naman, ganun na lamang ang kanyang pagpupursige at pagsisikap upang matupad ang kanyang dream house.
“Dati kasi nakatira ako sa maliit na apartment sa Valenzuela hindi halos kasya ang mga gamit. Isang kwarto lang at paglabas mo naroon na lahat . Nasubukan ko din magtiis na umupa sa isang maliit na bahay kasama ang P.A ko at naglalagay nalang kami ng tela para maging pagitan naming dalawa.”
Matatandaan na noong nakaraang taon buwang ng Nobyembre, ay nagsimula nang maghanap ng bahay ang aktres kasama ang kanyang kapatid na si Jack Roberto. Pinag-isipang mabuti ni Sanya, ang magiging disenyo ng bahay, bukod nga sa nais ng aktres na may malawak itong espasyo, ay nais rin niyang dog-friendly ang bahay. Ito nga ay upang makapag-alaga siya ng aso, dahil nga talagang isa siyang certified dog lover.
At ang nabili niyang bahay ay may sukat na 200 sqm, na may napakaganda at modernong disenyo na matatagpuan sa Quezon City. Samantala, makikita naman sa loob ng tahanan na kompleto na ito sa mga kagamitan. Ito nga ay dahil nauna ng naipundar ni Sanya ang mga appliances, bago pa man matapos ang bahay.
Ngunit, lingid sa kaalaman ng marami, ay may kahanga-hangang sakripisyo pang ginawa ang aktres upang maisakatuparan ang kanyang dream house. Bukod nga sa pagiging masinop, ay iniwasan rin niya ang magkaroon ng love life. Pagbabahagi nga ni Sanya, ay malaki ang naitulong sa kanya ng hindi pagkakaroon ng boyfriend para makapag-ipon agad.
“Feeling ko talaga malaking factor ang love life sa pag-iipon ko kasi kung sinubukan kong isingit yun siguro baka hindi ako masyado nag-focus.”
Talaga namang napakaganda at epektibo ang naisip na paraan ni Sanya upang agad na maisakatuparan ang kanyang dream house. Dahil nga, sa pagpokus sa kanyang goal, ang lahat ng kanyang hirap at sakripisyo ay napalitan ng saya at labis na kaligayahan matapos makamit ang pangarap na inaasam.