Kung paramihan ng subscribers at followers sa YouTube lang din ang pag-uusapan, nangunguna riyan ang sumbungan ng bayan pagdating sa problema ng mga mamamayan, ang broadcast journalist na si Raffy Tulfo o mas kilala bilang Idol Raffy.
Ang kanya ngang YouTube Channel ay may 15 Million subscribers. Siya ang nasa rank one sa mga Pinoy Celebrities na may pinakamaraming subscribers sa YouTube. Sumunod naman sa kanya ang aktres na sina Ivana at Alex Gonzaga.
Dahil nga marami ang nanonood sa kanyang mga videos na ibinabahagi niya sa kanyang YouTube Channel, hindi maitatanggi na malaki rin ang kanyang kinikita mula sa Youtube. Ayon nga sa ulat na nakita ng Push ay kumita si Idol Raffy ng P2.1 Billion sa loob lamang ng ilang buwan. Dahil dito, nang makapanayam si Idol Raffy sa virtual presscon ng Frontliner Pilipinas, ay itinanong sa broadcast journalist kung saan nga ba niya dinadala ang perang kinikita.
Hindi naman nagpaligoy-ligoy pa ng sagot si Idol Raffy, at sinabi na ang perang kanyang kinikita sa Youtube ay napupunta sa mga taong nangangailangan.
“Malaking portion po no’n ay pinantutulong natin sa mga kababayan natin. So, may pinunupuntahan naman po, para do’n sa mga nangangailangan.”
Pag-amin naman ng broadcast journalist, ay may napupunta rin umano sa kanyang maliit na halaga na kanya namang ginagastos sa kanyang personal na pangangailangan. Ngunit, paglilinaw naman nito, ay mas malaki umano ang halagang napupunta sa pagtulong sa mga nangangailangan.
“And then of course, meron ding parte do’n na nagagamit ko. I’ll be lying pag sasabihin kong lahat napupunta one hundred percent do’n sa tulong. Meron din pong napupunta sa akin, sa pangangailangan ko, sa pamilya ko. Pero a big part of that money goes to helping the poor lalo na.”
Samantala, naitanong rin kung binibigyan niya ang kanyang mga kapatid na sina Erwin, Ben at Ramon Tulfo sa perang kinikita niya sa Youtube.
Sagot naman ni Idol Raffy, ay hindi na raw kailangan pang bigyan ang mga ito dahil may mga pera naman ang kanyang mga kapatid. At kung bigyan niya umano ang mga ito ay baka mainsulto pa raw ang kanyang mga kapatid.
Ibinahagi rin ni Idol Raffy kung ano ang sikreto upang magkaroon ng maraming subscribers. Na ayon nga rito, ay malaking bagay ang pagkakaroon ng credibility.
“Credibility is very important. Kaya ako nagkaroon ng maraming subscribers because through the years I was able to establish my credibility to them, na kapag ako’y nagbibigay ng serbisyo publiko, eh, I really mean it and I’m very sincere in helping them, na hindi yung pakitang tao lamang.”
“Malalaman naman kasi ng mga viewers, malalaman naman kasi ng mga complainants kung ikaw ay namemeke lang o kung ikaw talaga ay tunay ang iyong pagtulong. So, in my case nakita nila na talagang legit yung aking ginagawang pagtulong kaya dinadagsa nila yung aming action cente.”
Naitanong rin kay Idol Raffy kung ano ang kanyang ginagawa sa tuwing nasasangkot sa eskandalo at isyu ang kanyang mga kapatid. Ayon nga kay Idol Raffy, ang ginagawa umano niya ay ang mas nakakabuti sa lahat, ang manahimik na lamang at wag ng idawit ang pangalan sa anumang isyung kinakaharap ng kanyang mga kapatid.
At sa paraang ito, ay hindi umano nababawasan ang kanyang credibility bagkus ay mas lalo pa siyang pinagkakatiwalaan ng mga taong sumusubaybay sa kanya. Mas lalo pa nga raw dumami ang kanyang mga followers at subscribers. Patunay lamang nito, na ang kanyang mga kapatid at siya ay magkaiba ng personalidad.