Marami ang natuwa sa mga tagahanga ng aktres na si Kathryn Bernardo at aktor na si Daniel Padilla o mas kilala ang kanilang love team sa tawag na Kathniel, sa muling pagtatambalan ng magkasintahan sa bago nilang proyekto. Ito nga ang bago nilang proyekto na “The House Arrest of Us”, na malapit nang mapanood ng publiko.
Matatandaan sa mga naunang panayam kay DJ, na ibinahagi niya ang kanyang balak na pakasalan ang kasintahang si Kathryn matapos ang tatlo hanggang apat na taon. At kamakailan nga, sa virtual presscon ng launching ng “The House Arrest of Us”, ay nagbalik-tanaw naman ang aktor kung paano niya niligawan ang pamilya ni Kath, upang makuha ang boto ng mga ito sa pagsisimula ng relasyon nila ng aktres.
“Umabot na naman ako dun. Bago naman naging kami ni Kathryn nanligaw ako sa kanya ng tama. Bumibisita talaga ako sa bahay niya at hindi naman kaagad lahat dun, hindi lahat ng pamilya ni Kathryn eh botong boto sa akin. Hindi. Talagang dumaan ako sa butas ng karayom. Siyempre hindi mo naman puwede madaliin na magustuhan ka kaagad.”
Ayon nga kay DJ, ay hindi naging madali ang lahat upang makuha niya ang permiso ng pamilya ni Kath. Dahil nga sa hirap na pinagdaanan ay masasabi niyang dumaan siya sa butas ng karayom. At ang ginawa nga ni DJ, ay bumibisita sa bahay nina Kath upang ipakilala ng lubusan ang kanyang sarili.
At matapos nga ang mahabang panahong panliligaw at pagpapakilala ng kanyang sarili sa pamilya ni Kath, ay nagbunga ang lahat ng kanyang hirap. Ngayon nga, ay talagang close na close na si DJ sa pamilya ng nobya, lalo na sa ina ni Kath na si Mommy Min. Makikita nga sa pag-aalala at pag-aalaga ni Mommy Min kay DJ na talagang mahal nito ang nobyo ng kanyang anak at tanggap na tanggap na ito sa kanilang pamilya. Kwento nga ni DJ, sa tuwing bibisita siya sa bahay nina Kath, ay talagang ipinaghahanda pa siya ng pagkain ni Mommy Min at talagang asikasong-asikaso pa siya.
“So through time eh talagang nagpakilala lang ako kung sino ako, ano nga ba talaga ang gusto ko siyempre di ba. Dumaan ang mga panahon at nakilala naman nila ako so I think minahal din naman nila ako. Si Tita Min ang ermat ni Kathryn grabe yun mag-alaga sa akin nung mga panahon na may sakit ako. Grabe yun mag-alala sa akin. Yun ang nagdadala sa akin sa ospital. Hanggang ngayon, talagang pag bumibisita ako dun, paghahandaan ako ng pagkain. Hindi yun basta lang na ganun dahil kung sino ako or ano man ang pangalan ko. Walang ganun ganun sa kanila. Kailangan ko ipakita yung pagkatao ko sa kanila.”
Samantala, ngayong nagbalik-tambalan na sila ni Kath onscreen matapos ang isang taon, ibinahagi naman ni DJ na wala namang malaking pagbabago sa chemistry nilang dalawa at kung paano nila ituring ang isa’t isa. Ito nga ay dahil madalas umano silang magkasama at hindi rin natigil ang kumonikasyon kahit pa may kanya-kanyang proyekto.
Ayon nga kay DJ, ay kaunting kapaan na lang sa craft ang kanilang gagawin sapagkat doon umano sila naninibago. At ngayon nga sa bagong proyektong “The House Arrest of Us”, ay masasaksihan ng kanilang mga tagahanga ang kanilang maturity pagdating sa pag-arte nilang magkasintahan.