Ngayong panahon ng pandemya ay marami sa atin ang nasadlak sa matinding krisis, marami ang mawalan ng hanap buhay at trabaho. Ngunit, sa kabila nito ay may maganda rin palang dulot ang pagkakaroon ng quarantine sa bawat sulok ng bansa. Dahil sa panahong pananatili natin sa loob ng ating mga tahanan, ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na makasama at makabonding ang ating mga mahal sa buhay.
Katulad na lamang nga ng GMA artists at real-life couple na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo na mas tumibay ang relasyon ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang ibinahagi kamakailan ng magkasintahan sa isang panayam. Ang kanilang magandang relasyon nga ngayon ay malaki rin ang naitulong sa muling pagtatambalan nila sa bagong teleserye ng GMA. Malaki nga ang nabago sa working relationship ng magkasintahan ngayon kumpara noon.
Ayon nga kay Jennylyn ay hindi na raw sila madalas mag-away ni Dennis sa set, bagay na sinang-ayunan naman ng aktor.
“Ngayon, hindi na kami nag-aaway. Dati, away kami nang away sa set. Ngayon, mas naging smooth na.”
Ayon naman kay Dennis, ay mas naeenjoy na nila ngayon ang bawat isa sa trabaho. Ito nga ay dahil sa mahabang panahon na nakasama nila ang isa’t isa ngayong pandemya na kung saan ay nadala nila hanggang sa trabaho.
“Mas nae-enjoy naming magkasama sa trabaho, siguro dahil marami kaming ini-spend na time ngayong quarantine. Mas nag-a-adjust kami kasi mas lalo kaming magkasama everyday. So, nadala namin yun kahit na nandun’n kami sa trabaho.”
Binigyang-diin naman ni Jennylyn na hindi siya nahihirapang makatrabaho si Dennis kahit noong wala pa silang relasyon dahil sa pagiging mahusay nitong aktor.
“Ever since naman, kahit noon pa, si Dennis, sa trabaho, masarap siya talagang katrabaho kasi napakagaling naman na aktor talaga.”
Nang matanong naman kung kamusta ang relasyon nilang dalawa ngayon bilang magkasintahan, ay tila napuno ng kilig ang bawat isa dahil sa kanilang napakasweet na kasagutan.
Ayon nga kay Dennis, ay nasa sukdulan na umano ang kanyang pag-ibig kay Jen, na kanyang nadama at mas napatunayan ngayong pandemya.
“Siguro ngayong pandemic, ang sukdulan lang na nararamdaman ko palagay ko, yung pag-ibig ko kay Jen. Sukdulan na yung pag-ibig ko,”saad ni Dennis.
“Nakakainis,” tugon naman ni Jen na hindi maitago ang pagkakilig sa mukha sa sinabi ng aktor.
Hindi pa natapos si Dennis na pakiligin si Jen, at dinagdagan pa nito ang kanyang pahayag at sinabi:
“Wala na akong maisip na ibang narating ko na umabot sa pinakarurok kundi yon. Kaya siguro, yon ang masasabi ko—pagmamahal na sukdulan.”
Nang tanungin naman ng aktor si Jen, kung ganun din ba ang nararamdaman niya, ay agad namang sumang-ayon ang aktres.
Tunay nga na kapag madalas magkasama at marami ang inilalaan na oras sa bawat isa, ay higit na nakikilala at mas napapatibay ang relasyon ng dalawang taong nagmamahalan. Katulad na lamang nga ng magkasintahang Dennis at Jennylyn na talagang tumibay ang relasyon at mas napatunayan kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.